
LUNGSOD NG MAKATI, 30 Marso 2026—Hinamon ni Education Secretary Sonny Angara nitong Lunes ang mga magtatapos sa buong bansa na panatilihin ang kanilang katatagan sa kanilang paglabas sa basic education system, habang nagdaraos ng end-of-school-year (EOSY) ceremonies sa halos 48,000 pampublikong paaralan.
Sa kanyang mensahe para sa graduation at moving-up ceremonies, ipinaalala ni Secretary Angara sa mga graduate na ang kanilang kakayahang bumangon mula sa mga pagsubok ang magiging pinakamahalaga nilang sandata sa hinaharap.
“As we conclude this school year, we do more than close a chapter. We honor the strength that carried our learners, teachers, and families through months of hard work, sacrifice, and hope,” aniya.
Binigyang-diin ni Angara na bagama’t mahalaga ang akademikong husay para sa higher education o trabaho, ang disiplina, malasakit, at tibay ng loob na nahubog sa paaralan ang magdidikta ng pangmatagalang tagumpay.
“You stayed the course and learned to rise after setbacks. That resilience will matter far beyond the classroom,” giit ni Angara.
Itinakda ng Department of Education (DepEd) ang mga EOSY seremonya sa mga pampublikong paaralan ngayong Marso 30 o 31, kasabay ng utos para sa simple at makabuluhang pagdiriwang upang makaiwas sa magastos na gastusin sa gitna ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa taong ito, kabilang sa mga magtatapos ang tinatayang 1.9 milyong Grade 6 learners at 1.8 milyong Grade 12 learners mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ang tema ngayong taon na “Pilipinong Nagsipagtapos: Handang Mamuno nang May Kakayahan at Mabuting Pagkatao,” ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na humubog ng mga mag-aaral na hindi lamang handa sa akademya kundi ginagabayan din ng integridad at responsibilidad sa kapwa.
Sa kanyang mensahe, kinilala rin ni Angara ang suporta ng komunidad kung saan pinasalamatan niya ang mga magulang at guro na nagsilbing sandigan ng bawat mag-aaral.
“Behind every learner’s success stands a community. To our teachers, thank you for teaching not only lessons but courage. To our parents and families, your support made every achievement possible,” pahayag ng Kalihim.
Nagaganap ang graduation cycle ngayong 2026 sa gitna ng mga mahahalagang reporma sa sektor ng edukasyon, kabilang ang pagpapatibay sa Revised K to 10 Curriculum at pagpapalakas ng Senior High School pathways nitong School Year 2025-2026.
Binigyang prayoridad din ng DepEd ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program upang tugunan ang mga learning gaps, kasabay ng pinalakas na suporta at promosyon para sa mga guro.


