LUNGSOD NG MAKATI, 30 Marso 2026— Nakamit ng Department of Education (DepEd) ang pag-apruba mula sa Department of Budget and Management (DBM) para sa reclassification ng 914 pending applications para sa mga posisyon ng School Principal.
Itinuturing itong mahalagang milestone sa pagsisikap ng DepEd na tugunan ang kakulangan ng mga punong-guro sa buong bansa at palakasin ang instructional leadership sa mga pampublikong paaralan.
Ang naturang approval ay sumasaklaw sa mga nakabinbing aplikasyon ng mga Head Teachers, Assistant School Principals, at Teachers-in-Charge (TICs). Naging posible ito sa pamamagitan ng maigting na kolaborasyon sa pagitan ng DepEd sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, at ng DBM sa ilalim ni Acting Secretary Rolando U. Toledo.
Direkta ring sinusuportahan ng hakbang na ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga guro, pati na rin ang pagsasakatuparan ng patakarang “one school, one principal” (1:1).
“We remain steadfast in our commitment to uplifting the welfare and professional development of our teachers and school leaders,” pahayag ni Secretary Angara.
“This approval brings us closer to our vision of ensuring every school is led by strong instructional leadership that supports quality education for all learners,” dagdag pa niya.
Kinikilala ng nasabing hakbang ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga TICs at iba pang on-stream candidates na matagal nang nagpapatakbo ng mga paaralan dahil sa designation, kahit na madalas ay walang kaukulang sahod na katapat ng kanilang mabigat na responsibilidad.
Sinabi ng DepEd na ang pag-apruba na ito ay isang malaking hakbang upang masolusyunan ang matagal nang problema sa kakulangan ng mga prinsipal sa bansa.
Pinatitibay din nito ang pangako ng DepEd na ayusin ang career progression pathways at tiyaking mabibigyan ang mga kwalipikadong guro ng promosyon sa mabilis at patas na paraan.
Patuloy na makikipagtulungan ang DepEd sa DBM at iba pang stakeholders para ipagpatuloy ang mga repormang magsusulong sa professional growth, magpapahusay sa instructional leadership, at sa huli ay magpapataas ng kalidad ng batayang edukasyon sa buong bansa.



