LUNGSOD NG MAKATI, 31 Marso 2026 — Kinilala ni Education Secretary Sonny Angara ang mga pagsisikap ng guro sa buong bansa kasabay ng pormal na pagtatapos ng Taong-Panuruan 2025–2026, habang muling pinagtitibay ang layunin nitong itaas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas at palawakin ang inklusibong pagkatuto.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nananatiling mahalagang haligi ng pagpapalakas ng sistema ng edukasyon ang dedikasyon ng mga guro.

“Sa ating minamahal na mga guro sa bawat sulok ng bansa, nais ko kayong batiin at pasalamatan para sa inyong tiyaga, malasakit, at tahimik na kabayanihan sa loob ng ating mga silid-aralan,” ani Angara.

Sa nakalipas na mga buwan, nalibot ng pamunuan ng DepEd, sa pangunguna ni Sec. Angara, ang daan-daang paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa upang makipagpulong sa mga guro at school heads at marinig ang kanilang mga karanasan, alalahanin, at mungkahi para sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon.

Bunga ng mga school visit at konsultasyong ito, isinagawa ang mga pag-update sa mga polisiya hinggil sa classroom observations, overtime at overload pay, at mga hakbang upang mabawasan ang administrative workload ng mga guro, at iba pa.

“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malinaw ang ating pangako na patuloy na pagbubutihin ang kalagayan ng ating mga guro at itataas ang antas ng suporta sa inyo,” ani Angara.

Ibinahagi rin ni Angara na patuloy na pinalalakas ng DepEd ang konkretong suporta para sa mga guro, kabilang ang pamamahagi ng mga laptop at learning resources, gayundin ang pagpapatupad ng Expanded Career Progression System na naglalayong magbigay ng mas malinaw na landas para sa promosyon ng mga guro at school heads. Target ng kagawaran na maipromote ang hanggang 100,000 guro at school heads bago matapos ang taon.

“Titiyakin natin na ang mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng ating bansa ay nabibigyan din ng pagkakataong umunlad at magkaroon ng mas magandang buhay,” dagdag ni Angara. Hinimok din ng kalihim ang mga guro na maglaan ng panahon upang makapagpahinga matapos ang mga buwan ng pagtuturo at end-of-school-year activities, kasabay ng pagsisimula ng kanilang isang buwang bakasyon ngayong Abril 1.

Samantala, binigyang-diin ng DepEd na ang mga kuwento ng kahusayan ng mga mag-aaral ay patuloy na nagpapakita ng malaking potensyal ng kabataang Pilipino at ng kahalagahan ng patuloy na pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Isa sa mga umani ng atensyon sa social media ay si John Michael “MJ” Camilosa Limbaga ng Agusan National High School sa Butuan City, matapos siyang makatanggap ng mahigit 40 parangal sa isang recognition ceremony. Kabilang dito ang mga pagkilala mula sa national at international academic competitions sa Mathematics, Science, at English.

Ayon sa DepEd, ang mga tagumpay tulad ng kay Limbaga ay sumasalamin sa uri ng kahusayan sa akademya na nais pang palawakin at maparami ng kagawaran sa mga paaralan sa buong bansa habang patuloy nitong pinapalakas ang kalidad ng pagtuturo, suporta sa pagkatuto, at mga oportunidad para sa mga mag-aaral.

Sa iba’t ibang panig din ng bansa, binigyang-pansin ng DepEd ang dumaraming inspirational stories mula sa mga nagtapos sa Alternative Learning System (ALS), Special Education (SPED), at Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program—mga mag-aaral na nalampasan ang iba’t ibang hamon, natapos ang kanilang pag-aaral, at ngayon ay nagpapatuloy sa mas mataas na edukasyon, hanapbuhay, at paglilingkod sa kanilang mga komunidad.

“The future of Philippine education is being shaped every day in your classrooms. This administration will continue working so that every Filipino teacher can teach with dignity, support, and hope. Together, we will move our schools—and our nation—forward,” ani Angara.