
LUNGSOD NG MAKATI, 31 Marso 2026—Opisyal nang lumahok ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd), sa Governance Committee ng School Meals Accelerator (SMA) matapos ang ginanap na inaugural meeting sa Rome, Italy noong Marso 26 hanggang 27, 2026.
Kasama ng bansa sa makasaysayang inisyatibong ito ang mga kapwa bagong miyembro na Guatemala at Kingdom of Lesotho.
Ang SMA ay isang pandaigdigang mekanismo ng suporta na binuo upang tulungan ang mahigit 110 bansang kasapi ng School Meals Coalition.
Layunin nitong pabilisin ang implementasyon ng mga school feeding program upang palawakin ang saklaw nito at matiyak na mas maraming bata ang makakatanggap ng masustansya at de-kalidad na pagkain sa loob ng paaralan.
“Our participation in the SMA Governance Committee reflects the strong political commitment of President Ferdinand Marcos Jr. to address undernutrition and improve the well-being of our learners,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
“Through this international collaboration, we are strengthening our capacity to deliver quality, nutritious meals that are essential to the health and academic success of our learners.”
Binubuo ang Governance Committee ng mga pangunahing founding members gaya ng Pamahalaan ng Germany, World Food Programme, Rockefeller Foundation, Novo Nordisk Foundation, at Global Partnership for Education. Kabilang din sa mga aktibong katuwang ang Pilipinas, Guatemala, at Kingdom of Lesotho sa pagpapatakbo ng nasabing komite.
Nakasentro ang unang pagpupulong sa pagbuo ng istruktura ng pamamahala ng SMA, pagtatakda ng mga prayoridad, pagtukoy sa mga mekanismo ng pondo at suporta, at pagbalangkas ng tatlong taong work plan na may kaukulang mga awtorisasyon.
Bilang bahagi ng Governance Committee, hindi lamang lalahok ang Pilipinas sa mga proseso ng pagdedesisyon kundi magkakaroon din ito ng direktang access sa mga suporta ng SMA.
Kinilala ang bansa bilang isa sa limang prayoridad na bansa sa buong mundo kasama ang Indonesia, Guatemala, Kingdom of Lesotho, at Zambia.
Isa sa mga pangunahing estratehiya ng SMA ay ang pagbibigay ng suporta base sa mga prayoridad ng bansa. May kakayahan din itong maging flexible upang tumugon sa mga pangangailangan ng pamahalaan habang isinasagawa ang implementasyon ng mga programa.
Kinatawan ni Secretary Angara sa nasabing pulong si Assistant Secretary for Governance and Operations Roger Masapol, na nangangasiwa sa School-Based Feeding Program (SBFP) ng DepEd.
Ang suportang ito mula sa SMA ay napapanahon dahil tumugma ito sa commitment ni Pangulong Marcos na wakasan ang gutom at malnutrisyon sa pamamagitan ng rekord na PhP25.6 bilyong pondo para sa SBFP ngayong taon.
Layunin ng makasaysayang alokasyong ito na makapaghatid ng masustansyang pagkain sa 4.63 milyong mag-aaral sa loob ng 200 araw upang matiyak na sila ay malusog at handang matuto.


