
LUNGSOD NG MAKATI, 01 Abril 2026—Mula sa isang 33-anyos na inang kasabay ng kanyang anak sa pag-aaral ng alpabeto, hanggang sa isang abogadong may kapansanan sa paningin na nagbalik sa kanyang dating paaralan, naging makulay ang graduation season ngayong taon dahil sa mga kuwento ng katangi-tanging katatagan.
Binigyang-pugay ng Department of Education ang mga tagumpay na ito bilang patunay na ang edad at kapansanan ay hindi hadlang sa hangaring mapaunlad ang sarili.
“These graduates are the living proof that education is a lifelong journey, and our schools remain open doors for every Filipino who has the courage to dream, regardless of their starting point,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Sa Boston, Davao Oriental, tinanggap ng 33-anyos na laborer na si Lenivie Latiban ang kanyang Kindergarten certificate mula sa Buko-Buko Elementary School kasabay ng isa sa kanyang tatlong anak.
Si Latiban, na naghahakot ng abaca at gumagawa ng kopra bilang hanapbuhay, ay nag enrol nang may simpleng layunin: ang matutong basahin ang mga mensahe sa cellphone at maturuan ang kanyang mga anak.
Sa kabila ng pagod mula sa mabigat na trabaho, pumasok siya sa klase kasama ang kanyang anak at naglaan ng oras para mag-aral bago sumabak sa hanapbuhay.
Nagpaabot ng pasasalamat si Latiban sa kanyang mga guro sa kanilang pasensya at suporta, habang plano niyang ipagpatuloy ang pag-aaral hanggang makatapos ng elementarya.
Samantala sa General Santos City, nagbalik si Atty. Martsu Ressan Ladia sa kanyang alma mater, ang General Santos City SPED Integrated School, bilang keynote speaker para sa Senior High School graduation.
Si Ladia, na may bahagyang pagkabulag, ay dumaan sa matinding bullying noong bata pa bago tuluyang makamit ang law degree sa Mindanao State University-General Santos City noong 2023 at makapasa sa Bar Examinations.
Bilang isang SNED (Special Needs Education) learner, kumuha siya ng lakas mula sa mga pagsubok upang mapatunayan ang kanyang kakayahan.
Ang pagtayo niya sa entablado ay nagsilbing buhay na patunay kung ano ang kayang makamit ng pagsisikap at pagkakaroon ng malinaw na mithiin sa buhay.
Ang kanyang tagumpay ay sumasalamin din sa karanasan ng mga graduates tulad ni Jann Anthony Gabutan, isang SNED learner na may orthopedic disability. Sa kabila ng kanyang kalagayan, buong ngiting tinanggap ni Gabutan ang kanyang diploma habang nasa wheelchair sa entablado, na nagbigay ng saya sa buong graduation hall.
Ayon sa DepEd, ang mga tagumpay na ito ay nagpapatunay sa kasabihang kinakailangan ng buong komunidad upang hubugin ang isang mag-aaral—sa tulong ng mga dedikadong guro at sumusuportang komunidad upang malampasan ng mga mag-aaral ang kanilang sitwasyon.
Ang kanilang mga kuwento ay muling nagpapatibay na ang silid-aralan ay lugar para sa ikalawang pagkakataon at pagbuwag sa anumang hadlang sa pangarap.


