LUNGSOD NG QUEZON, 06 Abril 2026—Pinangunahan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) nitong Lunes ang mga inisyatiba para sa muling pagtanggap at paghahanapbuhay ng mga overseas Filipino worker (OFW) teachers at kanilang mga pamilya na napilitang umuwi dahil sa nagpapatuloy na krisis sa Middle East.
Sa idinaos na inter-agency Bagong Pilipinas Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network and Job Fair, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang komitment ng DepEd na magbigay ng kagyat na trabaho at suportang pang-edukasyon para sa mga repatriated workers at kanilang mga anak.
Sentro ng mga pagsisikap na ito ang programang Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS) na simula noong 2014 ay matagumpay nang nakatulong sa 11,056 lisensyadong guro upang makabalik sa pagtuturo sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbon Marcos, hindi namin kayo hahayaang mag-isang harapin ang mga hamong ito habang sinisikap naming gawing mas simple, mas mabilis, at mas madaling maabot ang proseso ng SPIMS,” pahayag ni Secretary Angara.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), itinuturing ang SPIMS na pinakamatagumpay na reintegration program ng gobyerno dahil sa komprehensibong pagtulong nito, kabilang ang pagkakaloob ng financial assistance sa 8,047 guro at online refresher courses para sa 521 iba pa.
Maliban sa trabaho, nagbukas din ang DepEd ng on-site registration para sa Accreditation and Equivalency (A&E) tests para sa mga OFW na nais magpatuloy ng pag-aaral o pagsasanay para sa mas magandang oportunidad sa trabaho, gayundin ang Philippine Educational Placement Test (PEPT) para sa kanilang mga anak.
Nagbigay din ang DepEd ng access sa Senior High School Voucher Program para sa mga mag-aaral na magpapatuloy sa mga pribadong paaralan, at sa Teacher Education Scholarship Program na nag-aalok ng 720 slots para sa mga kwalipikadong kapamilya ng mga OFW. Mayroon ding inihandang incentive packages para sa mga nagbabalik na OFW na nais mag-review para sa licensure exam ng mga guro.
Sa ginanap na Balik Turo: A Hero’s Journey Home showcase, nagbahagi ng kanilang mga karanasan ang ilang mga guro na nakabalik sa pagtuturo sa Pilipinas matapos ma-displace sa ibang bansa.
Isa na rito si Teacher I Aylene Lara na dating nagtuturo sa Thailand at ngayon ay nasa Calero Integrated School na sa Liloan, Cebu. Higit sa pagpapatuloy ng kanyang karera, ang programa ay naging daan sa paghilom ng sakit dulot ng pagkakalayo sa pamilya.
“I didn’t want to work abroad for a very long time because it’s not easy. First time ko nalayo sa pamilya pero kailangan kasi sa hirap ng buhay. My father died while I was away, and that is a hurt I will always carry with me,” sinabi niya.
Nagpasalamat siya sa SPIMS Program at sa DepEd Schools Division Office lalo na sa kanyang school principal at co-teachers para sa maayos na transition sa pagtuturo dito.
“Iyong simpleng pangarap ko na makapagsuot ng uniporme ng DepEd, na makapagturo sa mga kabataang Pilipino at makapagturo sa Pilipinas, natupad because of the SPIMS program. Isang karangalan at utang na loob ko po na natupad ang dream ko at gumanda ang buhay ng pamilya ko,” dagdag pa ni Lara.
Ayon kay Teacher III Veronica Dungog na mula sa United Arab Emirates, sa pamamagitan ng SPIMS ay nawala ang takot niya na mawalan ng trabaho dahil sa pandemic.
“Through SPIMS, na-assure ako na makakapagturo ako. Within a year, I was deployed and I’m grateful na teacher na uli ako sa ating bansa,” sinabi ni Dungog, na ngayon ay nagtuturo sa West Crame Elementary School sa San Juan City, Metro Manila.
Bukod sa pagbibigay ng trabaho, tinutugunan din ng SPIMS ang kakulangan sa mga guro sa bansa at pinapalakas ang kanilang resilience gamit ang global exposure ng mga nagbabalik na OFW.
Habang itinataas ang kalidad ng pagtuturo, pinalalakas din ng programa ang katatagan ng pamilya dahil patuloy ang propesyunal na pag-unlad ng mga guro nang hindi iniiwan ang kanilang mga mahal sa buhay.



