LUNGSOD NG MAKATI, 7 Abril 2026—Kinumusta ng Department of Education (DepEd) ang kalagayan ng mga gurong Pilipino at mahigit 23,000 mag-aaral sa 27 Philippine Schools Overseas (PSOs) sa Middle East sa pamamagitan ng isang “Online Kumustahan” nitong Martes.

Sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon, tiniyak ng mga opisyal ng DepEd sa mga administrator ng paaralan, guro, at mga mag-aaral na prayoridad ng pamahalaan ang kanilang kaligtasan at ang pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., narito kami upang magbigay ng suporta at malinaw na gabay para masiguro ang pag-aaral at seguridad ng ating mga OFW at kanilang mga pamilya sa gitna ng hamong ito,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara sa kanyang mensahe na binasa sa nasabing session.

Sa real-time na dayalogo, sinagot ng DepEd ang mga katanungan ng mga pinuno ng PSO tungkol sa operasyon ng mga paaralan, kabilang ang crisis communication protocols at academic flexibility base sa regulasyon ng mga host country.

Pinangunahan nina DepEd Assistant Secretary for Operations Jocelyn Andaya at Private Education Office Director Runvi Manguerra ang talakayan sa paglipat sa online learning ng mga PSO. Simula noong Marso, lahat ng 27 PSO sa Middle East ay gumamit na ng virtual classes para masiguro ang kaligtasan ng mga bata.

Sa pangunguna ni Association of Philippine Schools Overseas (APSO) president Dr. Noemi Formaran, nagpahayag ang mga opisyal ng paaralan ng kanilang pasasalamat sa DepEd para sa diyalogo, at sinabing ang sesyon ay naging makabuluhang plataporma para sa pagkakaunawaan ng isa’t isa.

“Thank you for holding this session. It was a truly enlightening discussion,” sinabi ni Formaran.

Upang mapanatili ang koordinasyon, inihayag ng DepEd na regular na gagawin ang mga “Online Kumustahan” session na ito upang magbigay ng patuloy na suporta at update.

Ang mga PSO ay rehistradong institusyon sa ibang bansa na sumusunod sa basic education curriculum ng DepEd. Layunin nito na hindi mahirapan ang mga Pilipinong mag-aaral sa sandaling bumalik sila at mag-aral muli sa Pilipinas. Nagsisilbi rin itong cultural hubs para sa mga kabataang nasa labas ng bansa.

Sa kasalukuyan, may mga PSO sa sampung bansa—karamihan ay sa Middle East—na nagsisilbi sa mahigit 25,000 na mag-aaral.

Bukod sa suporta, layon din ng dayalogo na matukoy ang mga partikular na tulong na kailangan ng mga OFW at kanilang pamilya habang sinisiguro ang proteksyon mula sa pamahalaan.

Ang “Online Kumustahan” ay bahagi ng pinaigting na suporta ng DepEd para sa mga gurong maaring mawalan ng trabaho dahil sa gulo sa Middle East, partikular na sa pamamagitan ng programang “Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS). Sa ilalim nito, binibigyan ng permanenteng posisyon sa gobyerno ang mga gurong OFW na magdedesisyong bumalik sa Pilipinas.

Mula noong 2014, mahigit 11,000 lisensyadong guro na ang nabigyan ng trabaho sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa ilalim ng programang SPIMS, na nakatulong din sa pagpuno sa kakulangan ng mga guro sa bansa habang ginagamit ang kanilang global expertise.