
LUNGSOD NG MAKATI, 8 Abril 2026—Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Miyerkules ang mahalagang papel ng mga umiiral na tax incentives sa pagtulong sa mga paaralan at pribadong sektor na makayanan ang tumataas na presyo ng petrolyo, transportasyon, at operasyon sa gitna ng patuloy na hidwaan sa Middle East.
Ayon kay Angara, nagsisilbing mahalagang buffer o pansangga ang mga naturang fiscal measures upang mapanatili ng mga paaralan ang kanilang pamumuhunan sa dekalidad na edukasyon sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya.
“Aligned with President Bongbong Marcos’ priority to shield education from economic volatility, these incentives enable schools and their partners to maximize limited resources and free up funds for teaching and learner support,” sinabi ni Angara.
“By reducing tax burdens, they help cushion the impact of rising costs and sustain continued investment in education,” dagdag niya.
Para sa mga non-stock at non-profit na institusyong pang-edukasyon, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na mananatiling libre sa income tax ang kanilang mga kita basta ang mga pondong ito ay gagamitin nang direkta at eksklusibo para sa edukasyon.
Samantala, ang mga proprietary schools ay patuloy namang makikinabang sa preferential income tax rate na 10% sa ilalim ng mga partikular na kondisyon ng batas.
Upang mas lalo pang mapagaan ang pasanin ng mga mag-aaral at kanilang mga pamilya, nananatiling exempt o libre sa 12% value-added tax (VAT) ang matrikula at iba pang serbisyong pang-edukasyon.
Binigyang-diin din ni Angara ang iba pang mga hakbang na nagpapababa sa gastusin, kabilang ang walang buwis na pag-aangkat ng mga libro at kagamitang pang-edukasyon upang mabalanse ang tumataas na bayad sa lohistika at shipping.
Nakikinabang din ang mga paaralan sa mga tax credit para sa VAT na ibinayad sa mga renewable energy equipment, na maaaring ibawas sa kanilang income tax liabilities at makatulong sa pagpapababa ng pangmatagalang gastos sa operasyon.
Muli ring tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang suporta nito para sa pakikilahok ng pribadong sektor sa edukasyon sa pamamagitan ng Adopt-a-School Program, kung saan ang mga donasyon ay kwalipikado para sa 150% deductibility.
Depende sa istruktura ng transaksyon, ang mga donasyon ay maaari ring ituring na VAT-exempt o bilang isang VATable “deemed sale” na may kaukulang karapatan sa mga input VAT credit.
Sa ilalim ng Tax Code, ang mga donasyon ay maaari ring maging libre sa donor’s tax, basta sumusunod ang mga ito sa mga limitasyon sa paggamit ng pang-administratibo upang matiyak na ang mga donasyon ay mapupunta sa mga layuning pang-edukasyon.
Ang mga registered business enterprises (RBEs) na nagbibigay ng mga capital equipment sa mga ahensya ng gobyerno, state universities, o mga paaralang accredited ng DepEd ay maaari ring maging kwalipikado para sa exemption sa donor’s tax at customs duties.
Para naman sa mga kumpanyang namumuhunan sa pagpapaunlad ng mga manggagawa, sinabi ng DepEd na maaaring makakuha ang mga negosyo ng 150% deduction sa mga gastusin sa pagsasanay, na nakatakda pang tumaas sa 175% simula sa Enero 1, 2028.
Katulad ng mga paaralan, ang mga donor ay maaari ring makinabang sa duty- at tax-free na pag-aangkat ng mga kagamitang pang-edukasyon na nakalaan para sa donasyon.
Habang malaki ang tulong ng mga insentibong ito, ipinaalala ni Angara sa mga stakeholders ang kahalagahan ng wastong dokumentasyon, registration, at pagsunod sa mga regulasyon.
Dagdag pa niya, nananatiling nakatuon ang DepEd sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang matiyak na ang dekalidad na edukasyon ay mananatiling abot-kaya sa gitna ng pandaigdigang inflation.


