
Sa isang memorandum na may petsang Abril 7, nilinaw ng Department of Education (DepEd) na maaaring magpatuloy ang mga private school sa limang araw na face-to-face classes o magpatupad ng blended learning upang makatulong sa pamamahala ng operational expenses habang natitiyak na tuloy ang pagkatuto ng mga estudyante.
Inilabas ang polisiya kasunod ng State of National Energy Emergency na idineklara sa ilalim ng Executive Order No. 110, s. 2026, na nagdulot ng pagtaas ng energy costs para sa mga institusyon, kabilang ang mga paaralan.
“We understand the challenges our private schools are facing. We want to give them the flexibility to manage rising operational costs while protecting the quality of learning,” ani Angara.
Sa ilalim ng paglilinaw, hindi na kailangan ng prior approval kung lilipat sa blended learning ang isang private school, basta’t susundin ang itinakdang modelo at ipapaalam ito sa kani-kanilang Schools Division Office nang hindi bababa sa limang araw bago ipatupad. Kailangan ding ilahad sa ulat ang binagong class program at mga hakbang upang matiyak na natutugunan pa rin ang learning standards.
Sa ilalim ng guidance para sa blended learning, pinapayuhan ang mga paaralan na limitahan ang mga remote class sa isang araw lamang kada linggo para sa Kinder hanggang Grade 6 upang mapangalagaan ang pagpapaunlad ng batayang literasiya at numerasiya.
Samantala, ang mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang 10 ay maaaring sumailalim sa hanggang dalawang araw ng remote learning bawat linggo, at hanggang tatlong araw naman para sa mga mag-aaral ng Senior High School.
Ang blended learning ay kombinasyon ng face-to-face classroom instruction at remote learning, na maaaring isagawa nang synchronous o asynchronous, gamit man o hindi ang digital technology.
Hinikayat din ng DepEd ang mga paaralan na gumamit ng mas flexible na paraan para sa teacher training at professional development, kabilang ang online, asynchronous, o hybrid platforms, upang mabawasan ang biyahe at paggamit ng enerhiya.
Mananatili ang ganitong flexibility habang umiiral ang national energy emergency, ayon sa DepEd.
Gayunman, pinaalalahanan ng ahensya na face-to-face learning pa rin ang default mode, at anumang alternatibong arrangement ay kailangang patuloy na tumugon sa itinakdang learning standards para sa mga mag-aaral.
Inatasan naman ang mga regional at division offices na bantayan ang pagpapatupad ng mga adjusted learning modalities sa mga private school.


