
LUNGSOD NG MAKATI, Abril 9, 2026— Muling napatunayan ang hindi matatawarang katatagan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pagtatapos, sa mga kwento ng tagumpay ng mga mag-aaral na dumaan sa matinding pagsubok sa buhay bago nakamit ang kanilang diploma.
Kasama sa mga nagpakitang hindi kailanman huli ang lahat para bumangon ay ang mga nagsipagtapos sa Alternative Learning System (ALS), ang pangunahing “second chance” na programa ng Department of Education (DepEd).
Bilang lifeline para sa mga out-of-school youth, mga nagtatrabaho na, at mga nasa espesyal na sitwasyon, ang ALS ay mas pinatibay na sa ilalim ng K to 12 curriculum. Sinisiguro nitong ang mga graduates ay may kaparehong antas sa mga nagsipagtapos mula sa pormal na paaralan.
Pinuri ni Education Secretary Sonny Angara ang mga tagumpay na ito bilang patunay sa misyon ng DepEd na magsilbing tulay mula sa hirap ng nakaraan tungo sa pag-asa ng hinaharap sa pamamagitan ng ALS.
Para sa 28-anyos na si Alvin James Castillo, mas nanaig ang determinasyon kaysa sa kahirapan nang magtapos siya bilang Highest Honors sa Cauayan City Stand-Alone Senior High School sa lalawigan ng Isabela sa 4th Graduation Exercises kamakailan.
Dahil sa problemang pinansyal, napilitan siyang itigil ang pag-aaral sa kolehiyo noon upang magtrabaho. Pagkalipas ng ilang taon, nang tangkaing bumalik sa pag-aaral, dumanas si Castillo ng masakit na pagtanggi mula sa mga unibersidad dahil ang kanyang credentials mula sa pre-K to 12 curriculum ay hindi na sapat sa mga bagong rekisito.
Ngunit hindi siya sumuko. “Through ALS and its flexible scheduling, I was given a second chance at education,” ayon kay Castillo.
Pinagsabay niya ang pag-aaral at iba’t ibang trabaho para matustusan ang pang-araw-araw na gastos. Ngayon, maliban sa diploma, layunin din ni Castillo na magsilbing inspirasyon sa mga mag-aaral na nasa katulad na sitwasyon.
Sa Vigan City, Ilocos Sur, isang kwento ng pag-asa rin ang ibinahagi ng 25-anyos na si Camille Raguini. Matapos huminto sa high school sa edad na 16 dahil sa kahirapan, hinarap niya ang hamon ng pandemya para magbalik-eskwela sa pamamagitan ng ALS sa Ilocos Sur Community College.
Madalas dumalo si Raguini sa mga online classes nang walang baon at walang sariling smartphone; nakikigamit lamang siya ng gadget mula sa mga taong may mabuting loob. Sa pagnanais na maiahon ang pamilya, nagtrabaho siya sa kanilang maliit na tindahan at meryendahan habang nag-aaral.
Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho na bilang finance clerk sa Vigan City at nag-iipon para makabili ng lupang sakahan para sa kabuhayan ng kanyang pamilya.
Nagpahayag ng malalim na pasasalamat sina Castillo at Raguini sa kanilang mga guro na nanatili sa kanilang tabi sa mga pinakamahihirap na sandali.
“Ang tagumpay nina Alvin at Camille ay patunay na kapag may tamang suporta at pagkakataon, walang hadlang na hindi kayang lampasan ng ating mga mag-aaral para maabot ang kanilang mga pangarap,” sinabi ni Angara.
“Patuloy nating palalakasin ang ALS para magbigay ng second chance sa mas maraming kababayan natin, para tuparin ang pangarap ng ating Pangulong Bongbong Marcos na walang Pilipinong maiiwan sa edukasyon,” dagdag pa niya.
Sa pagtatampok sa mga kwentong ito ng pagsisikap, muling pinagtitibay ng DepEd ang dedikasyon nito sa pagpapalakas ng ALS bilang epektibong programa para sa pag-unlad ng buhay, na nagpapatunay na ang tunay na tagumpay ay nasusukat sa tapang na magsimulang muli.


