LUNGSOD NG MAKATI, 10 Abril 2026 — Inihayag ng Department of Education (DepEd) na handa na ang ito para sa 2026 National Schools Press Conference (NSPC), na gaganapin mula Abril 13 hanggang 17 sa Ormoc City, Leyte, kasabay ng mga repormang naglalayong mas mapalakas ang suporta sa mga mag-aaral, guro, at paaralan habang pinananatili ang kahusayan sa campus journalism.

Nakasentro sa temang “Mapanuri, Mapanindigan, at Mapanagutang Pamamahayag,” binibigyang-diin ng NSPC ngayong taon ang mahalagang papel ng mga paaralan at guro sa paggabay sa mga mag-aaral upang maging responsableng mamamahayag sa complex media environment.

Patuloy na nagsisilbing pambansang entablado ang taunang kumperensiya para sa mga pinakamahusay na campus journalist sa bansa. Ang mga kalahok, na binubuo ng mga nangungunang nagwagi mula sa rehiyon, ay magtatagisan sa individual at group competitions, kasama ang writing, visual journalism, publishing, mobile, at broadcast categories.

“Sa panahon ngayon kung saan napakabilis kumalat ang impormasyon, mas mahalaga ang papel ng kabataang mamamahayag na marunong magsuri at manindigan sa katotohanan. Ang NSPC ay isang paghuhubog ng mga kabataang magiging tagapagtanggol ng katotohanan sa hinaharap,” ani Education Secretary Sonny Angara.

Upang higit na masuportahan ang mga paaralan at adviser, nagpatupad ang DepEd ng ilang pagbabago, kabilang ang paglipat ng School Paper Contest sa isang exhibition format. Itatampok sa exhibit ang pinakamahusay na publikasyon mula sa bawat rehiyon, na magbibigay ng mas malawak na pagkakataon para makita ang mga gawa ng mga mag-aaral at mahikayat ang palitan ng kaalaman sa pagitan ng mga campus journalist at guro.

Mananatiling limitado sa mga Top 1 regional qualifiers ang partisipasyon upang makatulong sa pamamahala ng gastos at mabawasan ang pagkaantala sa oras ng pagtuturo, habang pinananatili ang prestihiyo ng pambansang kompetisyon.

Ayon sa DepEd, ang patuloy na pag-unlad ng format ng NSPC ay bahagi ng mas malawak na layunin nitong gawing mas tumutugon ang mga pambansang programa sa pangangailangan ng mga paaralan—tinitiyak na kinikilala ang talento ng mga mag-aaral nang hindi isinasakripisyo ang tuloy-tuloy na pagkatuto, kapakanan ng mga guro, at episyenteng paggamit ng mga resources.

Dagdag pa ng ahensya, ang mga pagbabagong ito ay tugon sa mga rekomendasyon mula sa mga tagapayo at school heads na humihiling ng mas inklusibo at mas makabuluhang mga format na kumikilala sa iba’t ibang paraan ng campus journalism.

Pangungunahan ng DepEd Region VIII, katuwang ang Schools Division of Ormoc City at City Government of Ormoc, ang limang araw na aktibidad na magsisilbi ring pagkakataon para sa mas malalim na ugnayan at kolaborasyon ng mga guro, mag-aaral, at mga delegado mula sa iba’t ibang rehiyon.