LUNGSOD NG MAKATI, 13 Abril 2026—Inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara ang malaking dagdag sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan para harapin ang tumataas na gastusin at mapahusay ang kalidad ng operasyon.

Sinabi ni Angara na sa ilalim ng 2026 budget, prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang direktang paghahatid ng pondo sa grassroots level. Ang per learner MOOE para sa mga mag-aaral sa elementary ay umakyat sa PhP2,792—malaking talon mula sa PhP2,140 noong 2025 at PhP1,389 noong 2024.

Para naman sa mga Junior High School, tumaas ang 2026 MOOE alokasyon kada mag-aaral sa PhP2,631 mula sa PhP2,201 noong 2025 at PhP1,844 noong 2024.

Samantala, ang pondo para sa Senior High School ay umakyat sa PhP3,264 bawat mag-aaral, kumpara sa PhP2,784 noong 2025 at PhP2,306 noong 2024.

“Ang malaking dagdag-pondo na ito ay malinaw na mensahe ni Pangulong Bongbong Marcos na prayoridad natin ang kapakanan ng ating mga paaralan at ang pagbibigay ng sapat na resources para sa ating mga mag-aaral,” ani Secretary Angara.

“Sa pagbuhos natin ng pondo diretso sa ating mga eskwelahan, tinitiyak natin na may sapat na kagamitan at suporta ang ating mga guro at mag-aaral para magtagumpay at makamit ang kanilang buong potensyal,” dagdag niya.

Magpapatuloy ang dagdag-pondong ito hanggang 2027, kung saan ang panukalang alokasyon bawat estudyante ay aabot sa PhP2,982 para sa elementary, PhP2,744 para sa Junior High School, at PhP3,558 para sa Senior High School.

Dahil dito, tuluyan nang wawakasan ang dating istriktong formula na gumagamit ng fixed amount base sa fixed inputs gaya ng bilang ng estudyante, guro, classroom at graduates—isang paraan na itinuturing na detalyado ngunit kumplikado.

Sa halip, ipinatutupad na ng DepEd ang Simplified Normative Funding Formula (SNFF). Sa ilalim ng bagong modelong ito, gagamitin ang enrollment at basic school data upang matukoy ang minimum na budget na kailangan ng isang paaralan para maabot ang minimum service standards.

Mas praktikal ang SNFF at layon nitong gawing mas patas at mabilis ang distribusyon ng pondo. Sa halip na tumutok lamang sa per capita cost, tinutukoy ng normative approach ang mas mahahalagang resources at serbisyo na kailangan ng bawat paaralan upang makapagsagawa ng epektibong operasyon.

Ayon sa DepEd, ang dagdag-alokasyon kasabay ng pagpapatupad ng SNFF ay bahagi ng pangmatagalang komitment ng pamahalaan para matiyak na ligtas, maayos, at kompleto sa kagamitan ang mga learning spaces sa buong bansa.