
LUNGSOD NG MAKATI, 14 Abril 2026 — Pinamadali ni Education Secretary Sonny Angara ang pagpapalabas ng pondo para sa Learning Continuity Spaces (LCS) upang magpatayo ng mga classroom na matibay sa sakuna, lalo na sa mga paaralang nangangailangan.
Sa pamamagitan ng Basic Education Facilities Fund (BEFF), target ng Department of Education (DepEd) na masolusyunan ang backlog sa mga silid-aralan sa buong bansa gamit ang mabilis at praktikal na paraang ito.
“Alinsunod sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos, bibilisan natin ang paglalabas ng pondo para sa mga classrooms na kayang tumagal sa sakuna. Ang mahalaga rito, hindi maputol ang pag-aaral ng mga bata,” ani Angara.
“Bahagi ito ng plano ng administrasyong Marcos na siguruhing mabilis makarating ang tulong at mga de-kalidad na pasilidad, lalo na sa mga lugar na hirap na hirap dahil sa kulang na silid-aralan.”
May nakalaang Php3.5 bilyon para sa LCS program ngayong Fiscal Year 2026 para sa mga paaralang sobra ang kakulangan sa silid-aralan, may mga luma at condemned na gusali, at nangangailangan ng agarang lugar para sa pag-aaral.
Para masiguro ang mabilis na implementasyon, sinabi ni Angara na direktang ibababa ng DepEd ang pondo sa mga Schools Division Offices (SDO) para sila na mismo ang mamahala sa pagbili ng materyales at pagpapatayo.
Binigyang-diin ni Angara ang pagiging flexible ng istratehiya sa paggamit ng LCS. Dahil lokal ang mga materyales at trabahador, mas madaling i-adjust ang disenyo base sa kailangan ng bawat site.
Maliban sa mga special component gaya ng sandwich panels, ang karamihan sa materyales ay bibilhin lang sa mga lokal na hardware. Bukod sa nakakaiwas sa delay sa delivery, nakakatulong pa ito sa ekonomiya ng lugar.
Hinimok din ni Angara ang ibang field offices na tularan ang naging tagumpay ng pagpapatayo ng LCS sa Masbate, Davao, at Bogo City.
Kumpara sa tradisyunal na konstruksyon, ang bawat LCS unit ay kayang itayo at gamitin sa loob lang ng isa hanggang dalawang linggo.
Bagama’t mas mura kaysa sa mga permanenteng gusali, pasok pa rin ito sa striktong safety standards para kayanin ang mga kalamidad.
Sa ganitong istratehiya, masisiguro na ang mga mag-aaral sa mga delikadong lugar ay makakabalik agad sa mga silid-aralan na ligtas at komportable.


