
LUNGSOD NG TACLOBAN, Abril 15, 2026 — Upang bigyang-pugay ang mga gurong OFW na tumutugon sa kanilang sinumpaang tungkulin, pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ngayong Miyerkules ang pormal na paglulunsad ng nationwide expansion ng mga reintegration fairs para tulungan ang mga gurong Pilipino na nawalan ng trabaho sa ibang bansa na muling makapasok sa lokal na workforce.
Sentro ng kampanyang ito ang programang Balik Turo: A Hero’s Journey Way Home, na tampok na bahagi ng whole-of-government na Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network (NRN) Regional Fairs na isinasagawa sa mga pasilidad ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.
“Ang direktiba ni Pangulong Marcos ay tiyaking may naghihintay na maayos na trabaho para sa ating mga gurong nagbabalik-bayan upang hindi na nila kailangang muling mawalay sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni Secretary Angara.
“Sa pamamagitan ng programang ito, binibigyan natin ng boses at pagkakataon ang ating mga bagong bayani na maglingkod muli sa ating mga silid-aralan,” dagdag niya.
Sa ginanap na kick-off sa Leyte National High School Gymnasium, nagbahagi ng kanilang mga kuwento ang ilang mga guro mula sa programang Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS). Ikinuwento nila ang kanilang matagumpay na paglipat mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa patungo sa pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga naturang guro dahil naipagpatuloy nila ang kanilang bokasyon sa pagtuturo sa sariling bayan habang nakapiling muli ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng SPIMS Program.
“Masaya po ako sa ganitong programa kasi malaking tulong ito para sa mga guro na mga OFW na gusto nang bumalik sa Pilipinas at manilbihan bilang isang guro ulit,” pahayag ni Evan Jose P. De Veyra, na nagturo sa Thailand ng 17 taon at ngayon ay Teacher I sa Alangalang National High School sa Leyte.
“Nothing compares with teaching your own countrymen at ang magkatrabaho po na malapit sa pamilya ay napakasarap na feeling. I am very grateful to our government for supporting us,” sabi naman ni George Michael Celiz na nagtuturo na ngayon sa Julio Mapa Elementary School sa Talisay City.
Mula nang mag-umpisa noong 2014, ang SPIMS—na pagtutulungan ng DepEd at Department of Migrant Workers (DMW)—ay nakapag-absorb na ng 11,056 OFW teachers sa DepEd system.
Ang pagpapalawak na ito ng NRN Fair at Balik Turo ay kasunod ng matagumpay na pilot sa Quezon City noong Abril 4 ay nagpapakita ng prayoridad ni Pangulong Marcos na tiyakin ang kaligtasan at kabuhayan ng mahigit 5,000 OFW at kanilang mga pamilya na inilikas kamakailan mula sa mga gulo sa Middle East.
Sa buong linggong NRN Regional Fairs, magbibigay ang DepEd ng mga serbisyo gaya ng SPIMS Help Desk at on-site registration para sa Accreditation and Equivalency (A&E) tests.
Maaari ring makakuha ng suporta ang mga pamilya ng OFW para sa Philippine Educational Placement Test (PEPT) registration at sa voucher program para hindi maputol ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Para naman sa career growth, nag-aalok ang DepEd sa pamamagitan ng Teacher Education Council ng mga scholarship, sponsorship para sa board exam review classes, at tulong sa pagbabayad ng professional licensing fees.


