LUNGSOD NG TACLOBAN, 15 Abril 2026 —Personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang mass oath-taking ng 2,121 na mga bagong promote na guro at school head sa Eastern Visayas, isang malaking hakbang para iangat ang kalagayan ng mga kawani ng edukasyon sa bansa.

Sa Tacloban City Astrodome, pinangasiwaan ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa sa tungkulin ng mga guro na karamihan ay nabigyan ng pagkakataong umunlad sa kanilang career sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) System, habang ang ilan ay sa pamamagitan ng natural na nabakanteng posisyon.

Binigyang-diin ni Secretary Angara na ang mga promosyong ito ay direktang resulta ng pagpapahalaga ni Pangulong Marcos sa kapakanan at pag-unlad ng mga guro.

“Para ito sa inyong mga guro dito sa Eastern Visayas na araw-araw nagpapakita ng tatag at malasakit, kahit ilang bagyo na ang dumaan. Kayo ang patunay na tuloy ang laban, tuloy ang turo,” pahayag ni Angara.

“Sa ilalim ng administrasyong Marcos, sisiguraduhin natin na bawat guro, may sapat na oportunidad at mas maayos na kinabukasan.”

Dagdag pa niya, epektibong tinatanggal ng ECP ang mga bottleneck o bara sa Department of Education (DepEd) na dati ay nagiging dahilan kaya na-stuck ang libo-libong kwalipikadong guro sa mababang posisyon sa loob ng maraming dekada.

“Sa pamamagitan ng ECP, winawakasan na natin ang matagal na paghihintay ng ating mga guro para sa promosyon upang mabigyan sila ng tamang antas at sahod na nararapat sa kanilang serbisyo,” ani Angara.

Naging madamdamin din ang mass oath-taking nang kilalanin ni Angara ang 26  guro na pinakamatagal nang nagsisilbi sa rehiyon—na may 12 hanggang 39 na taon sa serbisyo—upang matiyak na matatanggap nila ang mas mataas na ranggo at mga benepisyo bago sila magretiro.

Sinabi din ni Angara na kabilang sa mga na-promote ang dalawang benepisyaryo ng programang Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS)—isang inisyatiba na nagbabalik sa mga lisensyadong OFW na guro na makapagturo sa public schools sa bansa.

Dumating si Pangulong Marcos kasama si Secretary Angara sa venue matapos daluhan ang paglulunsad ng nationwide Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network (NRN) Regional Fairs.

Tampok sa whole-of-government na inisyatibang ito ang programang SPIMS sa ilalim ng Balik Turo: A Hero’s Journey Home segment.

Kinilala sa mass oath-taking ang pag-angat ng mga posisyon mula Teacher I hanggang VII, at School Principal I hanggang IV sa ilalim ng Executive Order No. 174 series 2022, na naglalayong magbukas ng mas maraming oportunidad para sa career advancement.

Ngayong taon, target ng DepEd ang 100,000 promosyon sa buong bansa sa ilalim ng ECP, na nagbibigay-daan sa mga guro na umangat sa pamamagitan ng classroom teaching o school administration tracks.