
LUNGSOD NG MAKATI, 16 Abril 2026—Gumagamit na ng artificial intelligence (AI) ang Department of Education (DepEd) upang gabayan ang paglalatag ng PhP1-bilyong halaga ng mga Library Hub sa bansa, upang matiyak na makakarating ang programa sa mga paaralan at mag-aaral na pinaka-nangangailangan nito.
Bilang AI at innovation hub ng DepEd, binuo ng Education Center for AI Research (ECAIR) ang isang resource allocation tool na tutukuyin ang mga lokasyon ng paaralan kung saan kailangan pagbutihin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbabasa.
Dito ibabase ang pagtatayo ng mga Library Hub sa ilalim ng 2026 Basic Education Facilities Fund (BEFF).
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng 5-point agenda ng DepEd na naglalayong tugunan ang literacy gaps sa bansa sa pamamagitan ng mga repormang nakabatay sa ebidensya.
“Data-driven policymaking is central to the education reforms we envision. Initiatives like this demonstrate how data science can help DepEd make smarter investments—ensuring that resources reach the schools and learners that need them the most,” pahayag ni Secretary Sonny Angara.
Ang proyekto ay tugon din sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na nagbigay-diin sa pangangailangan para sa patas na distribusyon ng mga kagamitan at pasilidad.
Gamit ang pagsusuri sa mga national education at administrative datasets, tinutukoy ng algorithm ang mga kwalipikadong paaralan base sa pangangailangan sa pagkatuto, inaasahang paggamit, at konsiderasyon ng pagkakapantay-pantay.
Ang hakbang na ito ay paglayo sa tradisyunal at madalas ay arbitraryong paraan ng alokasyon na nagpabagal sa pag-unlad ng literacy sa mga rehiyon noon.
Ayon kay Undersecretary for Learning Systems Strand Carmela Oracion, ang mga library hub ay kritikal na plataporma para sa pagbuo ng kultura ng pagbabasa sa bansa.
“By working with ECAIR to incorporate data into planning and prioritization, we can ensure that our investments better support learners in our schools,” sinabi ni Oracion.
“Education systems generate vast amounts of data, but the challenge is turning that data into actionable insights,” paliwanag ni Dr. Erika Legara, ECAIR Managing Director and Chief AI and Data Officer. Binigyang-diin niya na tinitiyak ng teknolohiyang ito na ang malalaking pampublikong pamumuhunan ay maghahatid ng pinakamataas na epekto sa pagkatuto.
Ang DepEd Library Hubs ay nagsisilbing mga warehouse library na nagbibigay sa mga pampublikong paaralan ng mabilis na access sa malawak na koleksyon ng de-kalidad na supplementary reading materials upang mapataas ang antas ng functional literacy sa bansa.
Ang mga hub na ito ay tumatayo bilang mga sentral na imbakan kung saan maaaring humiram ang mga guro ng bulto-bultong aklat at kagamitang pangturo para sa kanilang mga mag-aaral, na karaniwang may takdang panahon na 25 hanggang 30 araw.
Sa hinaharap, plano ng ECAIR at BLR na lalo pang pahusayin ang gamit ng nasabing tool upang matukoy din ang mga susunod na pamumuhunan sa mga supplementary instructional materials para sa pinakamalaking posibleng pakinabang sa pag-aaral.


