LUNGSOD NG MAKATI, 16 Abril 2026 — Pinaigting ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga pasilidad ng paaralan sa buong bansa upang direktang matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, kasunod ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng dalawang ahensya.

Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at DPWH Secretary Vince Dizon ang seremonyal na paglagda sa kasunduan na nagtatakda ng isang unified framework para sa pagpaplano, disenyo, at konstruksyon ng mga pasilidad sa batayang edukasyon sa bansa.

Layunin ng pinalakas na kolaborasyong ito na tugunan ang kasalukuyang kakulangan na mahigit 144,000 silid-aralan sa pamamagitan ng mas mabilis na implementasyon ng Basic Education Facilities Program (BEFP).

“Dahil sa malinaw na layunin ni President Bongbong Marcos na palakasin ang edukasyon, pinapabilis natin ang pagpapatayo ng dekalidad na classrooms. Target nating matugunan agad ang kakulangan at masiguro na may ligtas na espasyo para sa bawat mag-aaral,” ani Angara.

“Mas pinalakas din natin ang ugnayan ng DepEd at DPWH. Tinitiyak nating bawat proyekto ay mabilis, maayos, at talagang nakatutok sa tunay na pangangailangan ng mga paaralan,” dagdag niya.

Saklaw ng MOA ang konstruksyon, pagpapalit, pagkukumpuni, at rehabilitasyon ng mga gusaling pampaaralan mula kindergarten hanggang senior high school. Kabilang din dito ang mga technical-vocational laboratories, pasilidad para sa Last Mile Schools, at Learning Continuity Spaces (LCS).

“It’s a testament, I think, to what the President has instructed Sec. Sonny and I to do, which is really to act fast. ‘Yon naman ang objective naman nating lahat dito. Bilisan natin,” Dizon emphasized.

Isinama rin sa mga disenyo ang disability access features upang matiyak ang pagiging inklusibo, gayundin ang mga pasilidad para sa tubig at sanitasyon.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang magbibigay ng school infrastructure master list ng mga prayoridad na paaralan bago matapos ang Mayo 2026, magtitiyak ng kahandaan ng mga pagtatayuang lugar, at kukuha ng kinakailangang environmental clearances.

Ang DPWH naman ang mamamahala sa lahat ng bidding at konstruksyon, magsasagawa ng joint site validations, at titiyak na ang lahat ng gusali ay ganap na ligtas at maayos na magagamit, kabilang ang pagwawasto ng anumang kakulangan na matutukoy ng DepEd.

Para sa episyenteng pagpapatupad ng mga proyekto, ililipat ng DepEd ang pondo sa mga Regional Office ng DPWH sa tatlong yugto: ang unang 50% ng kabuuang pondo matapos maaprubahan ang MOA at Program of Works (POW), susundan ng 30% matapos ang 75% disbursement ng unang pondo, at ang nalalabing balanse batay sa progreso at pagsusumite ng kontrata.

Bilang bahagi ng mga hakbang para sa transparency, kinakailangang magsumite ang DPWH ng buwanang status report ng mga proyekto sa Schools Division Offices at quarterly progress updates sa DepEd Central Office.

Sa pamamagitan ng pinagsamang pagpaplano at implementasyon, layunin ng DepEd at DPWH na makapaghatid ng ganap na operasyonal na mga gusali ng paaralan sa takdang oras, habang pinatitibay ang pananagutan sa bawat yugto ng proyekto.