
LUNGSOD NG MAKATI, Abril 17, 2026—Siniguro ni Education Secretary Sonny Angara na kasama ang mga Philippine Schools Overseas (PSOs) sa malawakang pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon, upang matiyak na makikinabang din ang mga Pilipinong mag-aaral sa ibang bansa sa mga bagong polisiya ng Department of Education (DepEd).
Sa isinagawang virtual session na tinaguriang “Online Kumustahan” noong Huwebes, tinalakay ng mga opisyal ng DepEd kasama ang mga kinatawan mula sa 35 PSOs ang mga pangunahing repormang magsisimula sa School Year 2026-2027. Kabilang dito ang paglipat sa three-term school calendar, ang nirebisang gabay sa classroom assessment at grading systems, at ang Strengthened Senior High School (SHS) Program.
“Following the marching orders of President Bongbong Marcos, we are committed to ensuring that our global learners are not left behind as we transform our curriculum to be more responsive and future-ready,” ani Angara.
“Through these orientations, we want to ensure our schools are prepared and supported for the upcoming school year as we implement these vital changes.”
Kasalukuyang nagsasagawa ang DepEd ng mga nationwide orientation upang gabayan ang mga opisyal sa rehiyon at dibisyon, mga punong-guro, at mga guro tungkol sa malawakang mga reporma sa sistema ng pagkatuto.
Ang Online Kumustahan ay kasunod ng naunang virtual interaction noong Abril 7, kung saan tiniyak ng mga opisyal ng DepEd ang suporta ng gobyerno para sa mga guro at mag-aaral sa ibang bansa—partikular na sa Middle East—sa gitna ng mga nagaganap na labanan sa rehiyon.
Nagsilbi ang pinakahuling diyalogo bilang venue upang talakayin ang mga update sa polisiya at tugunan ang mga alalahanin sa operasyon at academic flexibility ng mga PSO para sa mahigit 25,000 mag-aaral sa 10 bansa.
Ipinaliwanag ng mga opisyal ng DepEd na ang paglipat sa three-term school calendar ay naglalayong ma-maximize ang oras ng pagtuturo, mabawasan ang pagkaantala ng mga klase, at mapagaan ang administrative workload ng mga guro.
Binigyang-diin din sa talakayan ang Strengthened SHS curriculum, na inayos upang mas maihanda ang mga gradweyt para sa kolehiyo o agarang trabaho.
Ang mga repormang ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na itaas ang kalidad ng edukasyon, kasabay pa ng mga inisyatiba sa flexible learning program, education in emergencies, at pagpapasimple ng lesson planning templates.
“Ito po ang DepEd reforms—dugtong-dugtong, magkakaugnay upang higit na mapatibay ang ating sistemang pang-edukasyon,” pahayag ni Assistant Secretary for Learning Systems Strand Jerome Buenviaje.
Bagaman mandatory ang bagong three-term school calendar sa buong bansa, sinabi ni Buenviaje na bibigyan ng DepEd ang mga PSO ng transition period at kalayaang mag-adjust base sa sitwasyon at konteksto ng kanilang mga host nations.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga na nakahanay sa pambansang pamantayan ang mga PSO upang madaling makakabalik at makaka-adjust ang mga Pilipinong mag-aaral sa ibang bansa sa sandaling umuwi sila sa Pilipinas.


