
LUNGSOD NG MAKATI, 19 Abril 2026—Matagumpay na pinalawak ng Department of Education (DepEd) ang suporta nito sa reintegration ng mga overseas Filipino workers (OFWs), kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga gurong nais muling magturo sa mga paaralan sa bansa.
Sa idinaos na nationwide Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network (NRN) Fairs ngayong linggo, katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), nabigyan ang mga licensed teacher at kanilang mga pamilya ng access sa matatag na kabuhayan at serbisyong pang-edukasyon.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang programang ito ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga displaced OFWs at kanilang mga pamilya.
“Ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos ay tiyaking may naghihintay na maayos na trabaho para sa ating mga gurong nagbabalik-bayan upang hindi na nila kailangang muling mawalay sa kanilang mga pamilya,” ani Angara.
“Sa pamamagitan ng programang ito, hindi namin kayo hahayaang mag-isang harapin ang mga hamon sa inyong pagbabalik,” dagdag pa niya.
Opisyal na inilunsad nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang mga regional fair sa Tacloban City noong Miyerkules bilang bahagi ng whole-of-government effort para sa mga OFW na naapektuhan ng gulo sa Middle East.
Batay sa datos sa mga fairs na ginanap sa iba’t ibang DepEd venues sa bansa, nakapagtala ng mataas na engagement ang mga help desk para sa programang Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS), kung saan daan-daang OFW teachers ang sumangguni upang muling makapagturo sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ang Cagayan Valley fair ay tumugon sa tanong mula sa hindi bababa sa 166 na guro, habang ang 105 na aplikante ang inasikaso sa Calabarzon. Nakapagtala rin ang SPIMS Program ng 96 na inquiries mula sa Negros Island Region at 94 naman mula sa Central Visayas. Bukod dito, 78 OFW teachers ang sumangguni sa Cordillera Administrative Region fair, samantalang 48 na katanungan ang naitala sa Mimaropa.
Sa segment na Balik Turo: A Hero’s Journey Way Home ng NRN Fairs, ibinahagi ng mga benepisyaryo ng SPIMS ang laking tulong ng programa sa kanilang emosyonal at propesyonal na buhay.
Ayon kay Teacher I Pamela Moron ng Sta. Fe National High School sa Leyte, kakaiba ang saya na magturo sa mga mag-aaral na Pilipino matapos ang tatlong taon niyang pagtratrabaho sa Cambodia.
Hinikayat naman ni Teacher I Kaydee Pelayo ng Candaba Elementary School sa Pampanga, na umuwi galing Abu Dhabi noong pandemya, ang kapwa niyang OFWs na magtiwala sa proseso ng reintegration.
“Akala ko walang babalikan sa Pilipinas, pero sa mga katulad ko na OFW na umuwi, huwag kayong mag-alinlangan dahil ang gobyerno may SPIMS Program na tutulong sa inyo,” ani Pelayo.
Nagpapasalamat sila sa pagkakataong makasama muli ang kanilang pamilya habang pinagpapatuloy ang kanilang propesyon.
Bukod sa trabaho, nag-alok din ang DepEd ng malawak na serbisyo kabilang ang Teacher Education Council (TEC) scholarships na tumutulong sa mga kwalipikadong kapamilya ng OFW na nagnanais maging guro at mga education subsidy sa pamamagitan ng voucher program para sa mga anak ng OFW upang matiyak ang kanilang tuloy-tuloy na pag-aaral.
Nag-alok din ng special tests para sa Accreditation and Equivalency (A&E) at Philippine Educational Placement Test (PEPT) upang matulungan ang mga pamilya sa muling pagpasok sa Philippine school system. Nagbigay rin ang DepEd ng licensure support at review incentives para sa mga nakatakdang kumuha ng board exams.
Sa kabuuan, ang regional NRN Fairs ay nakatulong sa humigit-kumulang 3,100 inquiry sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ang pagtutulungang ito ay patunay sa komitment ng pamahalaan na bigyan ang mga bagong bayani ng bansa ng isang marangal na landas pabalik sa sariling bayan.


