LUNGSOD NG ROXAS, Capiz, 20 Abril 2026 — Pormal na binuksan ni Education Secretary Sonny Angara noong Linggo ang 2026 National Festival of Talents (NFOT), kung saan binigyang-diin ang pagtutulak ng pamahalaan na palawakin ang mga oportunidad para sa mga mag-aaral na malinang ang kasanayang akma sa mga trabaho sa hinaharap.

Ginanap sa Dinggoy Roxas Civic Center, pinagsama ng taunang festival ang mga nangungunang mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang mga kinatawan mula sa 18 rehiyon, sa isang linggong pagpapakita ng kahusayan sa technical-vocational, artistic, at academic fields.

Lumalahok sa aktibidad ang mga mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan para ipamalas ang kanilang mastery sa performance-based outputs at real-world application.

“Here at the National Festival of Talents, we not only celebrate artistry, but also give equal value to science and technology, recognizing creativity in all its forms,” ani Angara sa kanyang keynote speech.

Dagdag niya, nagsisilbi rin ang festival bilang espasyo hindi lamang para sa kompetisyon kundi para pakinggan ang mga ideya ng kabataang Pilipino. “We will be listening to the ideas of our young people here today on how to confront the challenges of the future,” aniya.

Mahigit 900 na mag-aaral ang kalahok sa NFOT, kasama ang daan-daang teacher-coaches, education supervisors, at national officials, na nagpapakita ng malawak na koordinasyon sa loob ng sektor ng edukasyon.

Hindi lamang nakatuon sa tradisyunal na kompetisyon ang kaganapan kundi pati sa pagpapalakas ng 21st century skills, innovation, at inclusivity, kabilang ang partisipasyon ng mga mag-aaral mula sa Alternative Learning System (ALS), Madrasah Education, Indigenous Peoples Education (IPED), at Special Needs Education (SNED) programs.

Sa temang “Embracing Change, Redefining Excellence,” layon ng festival ngayong taon na ihanda ang mga mag-aaral sa mabilis na nagbabagong global landscape, kung saan mahalaga ang adaptability, creativity, at technical proficiency.

Ayon kay Angara, mas nabibigyan na ngayon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maiugnay ang kanilang talento sa mga posibleng career sa hinaharap, kasabay ng pagpapalakas ng senior high school pathways at pagpapalawak ng ugnayan sa mga industriya para sa mas konkretong exposure.

Inaasahang maitampok sa festival, na idinaraos sa Roxas City, ang mga serye ng exhibitions at presentations na magpapakita ng mas malawak na layunin ng bansa na makabuo ng future-ready at globally competitive na mga mag-aaral.

Tampok sa 2026 NFOT ang iba’t ibang kumpetisyon gaya ng DokyuWento para sa paggawa ng dokumentaryo, Literary Cup para sa pagkukuwento at pagbuo ng naratibo, at Savor D’ Flavor na pinagsasama ang preserbasyon ng pagkain at kasanayan sa wikang banyaga.

Ipinamamalas din sa festival ang inclusive excellence sa pamamagitan mga kategoryang gaya ng Silent Stories para sa mga Deaf na mag-aaral at Harf Touch para sa tactile recognition ng mga titik na Arabic.

Bukod dito, sumasabak ang mga kalahok sa hamon tulad ng STEMazing para sa pananaliksik sa agham, at Techno Fusion na pinagsasama ang dish gardening, pagbuo ng electrical extension cord, at algorithm design.