LUNGSOD NG ROXAS, 20 Abril 2026—Inaasahang mas gaganda ang mga gamit at pasilidad sa mga pampublikong paaralan matapos i-optimize ng Department of Edukasyon (DepEd) ang paggamit ng Special Education Fund (SEF).

Layunin nito na matiyak na ang mga lokal na pondo ay direktang mapapakinabangan sa pagpapatayo ng mga dagdag na silid-aralan, mas maayos na kagamitan, at mas malakas na suporta para sa mga guro at mag-aaral.

Sa pulong ng DepEd Management Committee (ManCom) nitong Lunes, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang prayoridad sa tamang paggamit ng SEF upang masiguro na ang bawat pisong buwis na kinokolekta sa bawat bayan at lungsod ay ramdam mismo sa loob ng classroom.

“Mahigpit nating sinusunod ang mga bagong pamantayang ito upang matupad ang pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na i-modernisa ang ating mga paaralan at suportahan ang ating mga guro at mga mag-aaral,” ani Angara.

“Sa pamamagitan ng pag-maximize sa mga lokal na pondong ito, masisiguro natin na walang komunidad ang mapag-iiwanan sa ating hangarin para sa de-kalidad na edukasyon.”

Ang SEF ay pondo na nagmumula sa karagdagang 1% tax sa real property na kinokolekta ng mga local government units. Ito ay ginawa para bigyan ang mga munisipalidad at lungsod ng kakayahang magbigay ng direktang suportang pinansyal sa mga paaralan sa kanilang lugar.

Binigyang-diin ni Angara na ang target ay gawing nakikita at nararamdaman ang mga koleksyon sa pamamagitan ng mga konkretong pagbabago sa paaralan.

Ang hakbang na ito ay base sa pagpapatupad ng Joint Circular No. 01, s. 2025, na nilagdaan ng DepEd, Department of Budget and Management (DBM), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Finance (DOF).

Sa ilalim ng bagong alituntuning ito, pinalawak ang mga pwedeng paggastusan ng SEF bukod sa konstruksyon at pagkukumpuni ng mga school building at pasilidad at sa pagbili ng mga kagamitan, upang makasama ang mga programa tulad ng school-based feeding, early childhood care, at targeted academic recovery programs.

Inaatasan din ang mga Local School Boards (LSBs) na iwanan ang piecemeal na paggastos at sa halip, dapat silang bumuo ng anim na taong SEF Investment Program (SEFIP) para sa pangmatagalang pag-unlad ng mga paaralan.

Ang mga bagong alituntuning ito ay nakaangkla sa limang pangunahing prayoridad ng DepEd: wellness ng mga guro, maayos na lugar para sa pag-aaral, kapakanan ng mga mag-aaral, epektibong pagtuturo, at paghahanda sa mga mag-aaral para sa trabaho sa hinaharap.

Upang matiyak ang integridad ng pondo, magtutulungan ang DepEd at DOF sa pamamagitan ng Bureau of Local Government and Finance nito, para sa regular na monitoring ng SEF plans at budget.

Inaatasan ang mga lokal na ingat-yaman (treasurers) at budget officers na magsumite ng quarterly at annual reports sa DOF. Samantala, ang mga DepEd schools division heads ay obligadong iulat ang halaga ng pondong inilalaan sa bawat paaralan mula sa pambansang budget.

Sa pamamagitan ng pagsasaayos na ito, nais ng DepEd na ang SEF ay hindi lamang isang item sa budget, kundi susi para sa mas maganda at modernong paaralan para sa mga kabataang Pilipino.