LUNGSOD NG MAKATI, 21 Abril 2026 — Isinusulong ni Education Secretary Sonny Angara ang paggamit ng education mapping hanggang sa antas ng barangay upang mas matukoy ang learning gaps at mas maituon ang mga programa at pondo sa mga komunidad na higit na nangangailangan, bilang bahagi ng pagpapalakas ng data-driven reforms ng Department of Education (DepEd).

Ito ay kasunod ng presentasyon ni University of the Philippines BS Economics student Timothy Hormigos, na bumuo ng mas detalyadong mapa ng educational attainment gamit ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ipinakita sa kanyang pag-aaral na kapag hinati ang datos hanggang barangay level, mas nakikita ang galaw at pagkakaiba sa loob mismo ng mga lungsod at bayan, kaya mas nagiging maayos ang pagtutok ng mga programa.

Inatasan ni Angara ang mga opisyal ng DepEd na pag-aralan ang modelong ito at tingnan kung paano ito maisasama sa mga sistema ng pagpaplano ng ahensya, dahil makakatulong ang mas eksaktong datos sa mas maayos na paglalaan ng classrooms, guro, at iba pang learning resources.

“Hindi puwedeng hulaan ang problema, kailangan nakikita natin ito, hanggang sa antas ng barangay,” ani Angara. “At habang mas nagiging granular ang datos at monitoring natin, mas nagiging tapat at transparent din tayo sa publiko—kung ano ang ginagawa natin, at kung ano pa ang kailangan nating gawin.”

Dagdag pa niya, may malinaw na ugnayan ang inisyatibong ito sa Project BUKAS at iba pang data transparency efforts ng DepEd. Aniya, ang pagsasama ng geospatial tools at lumalakas na open data systems ng ahensya ay makatutulong upang gawing mas madaling ma-access, maintindihan, at magamit ang datos sa pagdedesisyon.

Ang mapping ni Hormigos, na batay sa census data ng PSA at inaral sa antas ng barangay, ay nagsisilbing baseline ng educational outcomes mula pre-K hanggang K to 12 sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga indibidwal na edad 25 pataas noong 2020.

Kabilang sa mga pangunahing natuklasan ang malaking agwat sa educational outcomes sa pagitan ng urban centers at mga geographically isolated na lugar, pati ang ugnayan ng road access at mas mataas na antas ng edukasyon.

Ayon kay Angara, makatutulong ang mapping tool sa pagtukoy kung saan dapat magtayo ng classrooms, magtalaga ng mga guro, at magpalawak ng mga programa, lalo na sa mga underserved na barangay at sa secondary level.

Upang maisakatuparan ito, inatasan ni Angara ang Education Futures Office (EFO) at Information and Communications Technology Service (ICTS) na makipagtulungan kay Hormigos sa pagbuo ng mas madaling gamitin na geospatial maps mula sa mga kasalukuyang dataset ng DepEd.

Ang hakbang na ito ay parte ng mas malawak na layunin ng DepEd na palakasin ang evidence-based planning, kung saan binigyang-diin ni Angara ang paglipat mula sa malawakang national averages tungo sa mas tiyak na kalagayan ng bawat komunidad.

Inaasahang tatalakayin pa sa mga susunod na pagpupulong ang mga kakulangan sa datos, kabilang ang ilang bahagi ng PSA datasets na hindi pa ganap na available, pati ang epekto ng migration at population density sa educational outcomes.

Kapag naisakatuparan, inaasahang magbabago ang paraan ng DepEd sa pagdisenyo ng mga programa, mula sa malawakang regional approach tungo sa mas tutok at angkop na solusyon para sa bawat barangay.