LUNGSOD NG MAKATI, 21 Abril 2026—Mula Mayo 6 hanggang Hunyo 3, 2026, magbubukas ng pinto ng pagkakataon ang Department of Education (DepEd) para sa mga mag-aaral na naiiwan sa aralin sa pamamagitan ng pinalawak na summer remediation programs.
Layunin ng hakbang na ito na palakasin ang pundasyon ng kaalaman ng mga mag-aaral at tiyaking handa sila para sa susunod na baitang.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng programa sa ilalim ng prinsipyong walang mag-aaral ang dapat maiwan.
“Tungkulin nating siguruhin na ang bawat mag-aaral ay may sapat na suporta. Narito ang DepEd para alalayan ang ating mga mag-aaral na mapaghusay ang kanilang kaalaman,” pahayag ni Angara.
“Sa suporta ni Pangulong Bongbong Marcos, tinitiyak natin na ang ating mga programa ay may sapat na kalinga at direksyon para sa ikagaganda ng kinabukasan ng ating kabataan,” dagdag pa niya.
Nakasentro ang nasabing inisyatiba sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, isang flagship intervention na tututok sa paghasa ng Reading at Mathematics skills ng may 3.7 milyong papasok na Grade 2 hanggang Grade 11.
Para naman sa mga malapit nang magtapos, nakalaan ang Senior High School Remediation program para sa 2.1 milyong na papasok na Grade 12 upang masiguro ang kanilang mastery sa English, Filipino at Mathematics.
Mayroon ding Summer Academic Remedial Program na magbibigay ng tulong sa 141,000 mag-aaral na hindi nakapasa sa isa o dalawang asignatura sa nakaraang taon.
Napatunayan na ang bisa ng mga ganitong interbensyon. Sa paghahambing ng Beginning-of-School-Year (BOSY) at End-of-School-Year (EOSY) assessments, lumiit ang literacy gap ng 33 percentage points sa Grades 1-3; 16 percentage points sa Grades 4-6; at 28 percentage points sa Grades 7-10.
Pinatutunayan ng mga nakuhang tagumpay ang isang mahalagang katotohanan: sa tamang suporta, ang mga mag-aaral na nahihirapan ay kayang makabangon, umunlad, at magtagumpay.
Para maisakatuparan ito, sinabi ni Angara na papakilusin ng DepEd ang may 607,000 DepEd teachers at volunteer tutors sa buong bansa. Layunin nitong matiyak na bawat bata ay makatatanggap ng sapat na atensyon, gabay at motibasyon para sa epektibong pagbawi sa kanilang pag-aaral.
Bukod sa akademikong aspeto, magbibigay din ang DepEd ng mga learning resources, incentives para sa mga guro, at health support gaya ng screenings sa paningin at pandinig, pati na rin ang libreng pagkain para sa mga bata.
Binigyang-diin ni Angara na ang tagumpay ng hakbang na ito ay nakasalalay sa pagkakaisa ng paaralan at tahanan.
“Nananawagan tayo sa ating mga magulang at guro na magkaisa sa mahalagang adhikaing ito. Ang ating pagtutulungan ang magsisilbing matibay na pundasyon upang maging matagumpay ang balik-eskwela ng ating mga kabataan,” ani Angara.
Bilang kilalang kampeon ng reporma sa edukasyon, nag-full circle ang misyon ni Angara. Mula sa pagiging pangunahing tagapagsulong at co-author ng Republic Act No. 12028 o ang ARAL Program Act noong siya ay nasa Senado, siya na rin ang lumagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito noong Disyembre 2024 bilang Kalihim ng DepEd.
Sa ilalim ng pamumuno ni Angara, hindi lamang pinalawak ng DepEd ang mga intervention program; ginagawa rin nitong institusyonal ang isang sistema kung saan ang bawat mag-aaral na nangangailangan ay nakikita, natutulungan, at binibigyan ng pagkakataong magtagumpay.
Batay sa RA No. 12028 (Section 7), ang mga maaaring magsilbing tutor sa ARAL Program ay ang mga sumusunod: mga guro mula sa elementarya at sekondarya, sa kondisyong hindi nila sariling estudyante ang kanilang tuturuan; para-teachers na kumuha ng licensure exam ngunit hindi pinalad at binigyan ng special permit ng Board for Professional Teachers; pre-service teachers o mga estudyanteng kasalukuyang kumukuha ng kursong Education.
Pinahihintulutan din ng batas ang DepEd na kumuha ng iba pang indibidwal na kwalipikado, mahusay, at may mabuting karakter.
Samantala, ayon sa IRR (Section 12), dapat maabot ng mga tutor ang minimum na kwalipikasyon sa kanilang professional at educational background. Kabilang dito ang mga guro, para-teachers, pre-service teachers at non-licensed education graduates, retiradong guro, iba pang licensed professionals, mga college graduate, at iba pang tutukuyin ng DepEd.
Binigyang-diin din na ang mga tutor ay dapat magpamalas ng husay sa mga paksang kanilang ituturo, gayundin ang pagiging bihasa sa iba’t ibang paraan ng pagtuturo.



