
LUNGSOD NG MAKATI, 22 Abril 2026—Inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara na maaari nang simulan ng 14 na lalawigan ang procurement para sa mga proyekto ng pagpapatayo ng silid-aralan, kasunod ng opisyal na paglagda sa mga supplemental Memorandum of Agreement (MOA) sa ilalim ng Classroom Building Program ng Department of Education (DepEd).
Ang mga kwalipikadong lalawigan na kinabibilangan ng Ifugao, Mt. Province, Abra, Ilocos Sur, Pangasinan, Quezon, Sorsogon, Oriental Mindoro, Samar, Biliran, Southern Leyte, Siquijor, Dinagat Island at Misamis Oriental, ay maaari na ngayong simulan ang kani-kanilang proseso ng procurement.
“Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na pabilisin ang pagpapatayo ng mga pasilidad sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan bilang katuwang sa pagpapatupad nito,” pahayag ni Angara.
“Sa pamamagitan ng paggamit ng lokal na kapasidad at kaalaman, mas mabilis nating magagawa ang mga silid-aralan na kailangang-kailangan ng ating mga guro at mag-aaral.”
Nagsagawa ang DepEd ng dalawang online technical workshop kasama ang mga local government units (LGU) upang ibahagi ang mga program of work, detalyadong engineering at architectural designs, timeline ng procurement, at mga halimbawa ng bidding documents para masiguro ang maayos na transisyon.
Nakatakdang pirmahan ang karagdagang 37 supplemental MOA sa mga susunod na linggo, at target ng DepEd na makumpleto ang mga kasunduan para sa lahat ng natitirang mga lalawigan at lungsod sa susunod na round.
Bilang paghahanda sa pagpapatupad nito, ang iba pang LGU at schools division offices ay nagsagawa na ng market scoping at validation ng mga potensyal na pagtatayuan ng mga classroom upang matiyak ang pagiging viable o kakayahan ng proyekto.
Ang malawakang proyektong ito ay nakabatay sa 2026 General Appropriations Act na nagpapahintulot sa DepEd na makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), LGUs, Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers, at pribadong sektor upang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Mula nang manungkulan noong Hulyo 2024, isinulong ni Secretary Angara ang mas flexible na pag-download ng pondo sa mga LGU upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Layunin nito na gawing desentralisado ang procurement at construction management habang pinanatili ng DepEd ang oversight sa pagbabantay ng implementasyon upang matiyak ang shared accountability.
Nitong linggo lang ay iniutos ni Pangulong Marcos ang pagpapalabas ng Php17.27 bilyon para sa konstruksyon ng 4,960 classrooms nationwide, kasama na ang mga kagamitan tulad ng upuan at mesa.
Sa ilalim ng supplemental MOA, ang mga LGU ang magsisilbing procuring entities o tagapamahala ng bidding at konstruksyon at responsable sa paghawak ng pondo at pagsunod sa mga batas sa procurement.
Obligado ang mga LGU na magbukas ng hiwalay na trust account para sa transparency at magsumite ng buwanan at quarterly na financial reports.
Bagaman desentralisado ang pagpapatupad, mananatili ang DepEd bilang technical authority na magbabantay sa disenyo at magsasagawa ng inspeksyon upang matiyak na sumusunod ang mga gusali sa pambansang pamantayan.
Upang lalo pang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, pormal nang pinagtibay ng DepEd ang pakikipagtulungan sa DPWH sa pamamagitan ng isang MOA upang matiyak ang technical validation at kalidad ng mga imprastraktura.
Bukod sa pakikipagtulungan sa DPWH para sa infrastructure quality, binuksan na rin ng DepEd ang bidding para sa Public-Private Partnership for School Infrastructure Project Phase III (PSIP III).
Target ng PSIP III na makapagpatayo ng 3,563 classrooms sa 329 sites sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region, at Regions I hanggang V.
Ang nagkakaisang hakbang na ito ng pambansa at lokal na pamahalaan ay naglalayong makapagbigay ng ligtas at maayos na kapaligiran para sa milyun-milyong mag-aaral na Pilipino.


