LUNGSOD NG QUEZON, 22 Abril 2026—Ilulunsad ng Department of Education (DepEd) ang isang artificial intelligence (AI)-assisted na sistema upang mabawasan ang mabigat na administrative workload ng mga guro, partikular sa pagsusuri ng nutrisyon ng mga mag-aaral.

Ayon sa DepEd, ang AI-enabled solution ay layong pabilisin ang pagtukoy sa kalagayan ng mga estudyante, gawing mas tumpak ang datos, at mapabilis ang agarang pagtugon.

Binuo sa pamamagitan ng Education Center for AI Research (ECAIR), ang sistemang tinatawag na SIGLA (System for Intelligent Growth and Learner Anthropometry) ay isang mobile phone-assisted tool na tumutulong sa mga guro na tantiyahin ang taas at BMI (Body Mass Index) ng mga mag-aaral.

Gamit ang iba’t ibang AI frameworks tulad ng computer vision, kayang magsagawa ng nutritional classification ang SIGLA alinsunod sa pamantayan ng World Health Organization (WHO), kaya nababawasan ang pangangailangan sa manual na pagsukat at encoding.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang SIGLA ay isang mahalagang hakbang upang mabawasan ang administrative burden ng mga guro habang pinapabuti ang monitoring ng kalusugan ng mga mag-aaral.

Dagdag pa niya, sa tulong ng mobile phone, mas mabilis matutukoy ng mga guro kung aling mga estudyante ang nangangailangan ng agarang atensyon, upang mas maagang maibigay ang kinakailangang nutrition support, habang nagkakaroon sila ng mas maraming oras para sa pagtuturo.

Batay sa EDCOM 2 Policy Brief, umaabot sa 55% ng oras ng mga guro ang napupunta sa non-teaching tasks, kaya mahalaga ang mga sistemang makakatulong upang mabawasan ito. Layunin ng SIGLA na mabawi ang oras na ito sa pamamagitan ng mas pinasimpleng proseso ng screening.

Ayon naman kay Dr. Erika Fille Legara ng ECAIR, makatutulong ang SIGLA sa maagang pagtukoy sa mga batang nanganganib magkaroon ng stunting o underweight conditions gamit lamang ang mga larawang kuha sa mobile phone, nang hindi na nangangailangan ng specialized equipment.

Binigyan-diin din na ang sistema ay isang decision-support tool lamang at patuloy na may human reviewers sa proseso. Layunin nitong tulungan ang mga guro at health personnel na matukoy kung aling mga mag-aaral ang nangangailangan ng mas masusing pagsusuri at follow-up.

Sa pamamagitan ng mas maayos na pag-oorganisa at pagsusuri ng health data, inaasahang makatutulong ang SIGLA sa mas epektibong pag-prioritize ng interventions at monitoring ng kalagayan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Daisy Cañizares, punong-guro ng Project 6 Special Science Elementary School sa Quezon City, ang SIGLA ay mas epektibo dahil nababawasan ang manual na proseso, kaya mas nakakapag-focus ang mga guro sa pagtuturo.

Sa huli, binigyang-diin ni Angara na ang SIGLA ay bahagi ng mas malawak na layunin ng DepEd na isulong ang inobasyon sa edukasyon at serbisyong publiko.