LUNGSOD NG MAKATI, 23 Abril 2026—Pinaigting ni Education Secretary Sonny Angara ang teknikal na suporta sa mga field office ng Department of Education (DepEd) upang pabilisin ang pagpapalawak ng Learning Continuity Spaces (LCS) sa buong bansa, na naglalayong magbigay ng ligtas at maayos na lugar para sa pag-aaral sa mga komunidad na madalas tamaan ng kalamidad.

Ang estratehikong hakbang na ito ay layong magpatayo ng mga matitibay na pasilidad upang matiyak na tuloy-tuloy ang mga klase sa kabila ng mga bagyo, pinsala sa imprastraktura, at iba pang aberya.

Ang inisyatibong ito ay may pondong PhP3.5 bilyon sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEFF) upang bigyang-prayoridad ang mga paaralang may pinaka-urgent na pangangailangan sa imprastraktura o ang mga nakakaranas ng matinding kakulangan sa silid-aralan.

“Sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, sinisiguro natin na may matibay na silid-aralan ang mga bata kahit may sakuna,” pahayag ni Angara.

“Prayoridad ng administrasyong Marcos na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan sa pamamagitan ng mabilis na pagtatayo ng mga de-kalidad na pasilidad sa bawat sulok ng bansa,” dagdag pa niya.

Upang matiyak ang maayos na rollout, nagsagawa na ang DepEd ng dalawang malawakang webinar para sa mga Schools Division Offices (SDO) at naglunsad din ng online monitoring at personalized guidance sessions para sa agarang teknikal na tulong sa mga field office.

Ang hands-on approach na ito ay lalo pang pinalalakas ng isang opisyal na digital communication group at madalas na ina-update na Frequently Asked Questions (FAQs) upang mapanatili ang tuluy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng DepEd Central Office at mga lokal na tagapatupad.

Naabot na ang mahahalagang milestone sa procurement matapos opisyal na i-post ng mga SDO ng Capiz, Zamboanga del Norte, at Zamboanga del Sur ang mga tender para sa dose-dosenang bagong yunit ng LCS.

Samantala, 29 pang SDO sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsasagawa ng mga pre-procurement conference ngayong buwan ng Abril para sa kani-kanilang mga kinakailangan para sa proyekto.f

Sa pamamagitan ng direktang pag-download ng pondo sa mga SDO, nagagawa ng DepEd ang mabilis na lokal na procurement, na tumitiyak na ang bawat LCS ay maitatayo at magagamit na sa loob lamang ng isa hanggang dalawang linggo.

Binibigyang-diin sa programa ng pagpapatayo ng LCS ang paggamit ng mga lokal na materyales at manggagawa, na nakatutulong sa paglago ng lokal na ekonomiya habang naiiwasan ang pagkaantala sa lohistika.

Ang mga istrakturang ito ay idinisenyo ayon sa mga standard climate-safety benchmark, kaya garantisadong ligtas ang mga ito kahit sa gitna ng matitinding panganib sa kalikasan.

Matatandaang personal na ininspeksyon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Secretary Angara ang matagumpay na implementasyon ng mga modular hub na ito sa Bogo City, Cebu; Masbate; at Tagum City, Davao.

Ang paggamit ng mga resilient design na ito, kasama ang regular na monitoring, ay titiyak na ang mga mag-aaral sa mga vulnerable na komunidad ay makababalik sa ligtas na kapaligiran sa pag-aaral nang walang pagkaantala.

Sa pamamagitan ng mga proactive na hakbang na ito, nananatiling tapat ang DepEd sa layuning mapanatili ang tuluy-tuloy na edukasyon anuman ang hamong dala ng mga kalamidad.