LUNGSOD NG MAKATI, 24 Abril 2026 —Nagsimula na ang mga school heads sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ng serye ng orientation bilang paghahanda ng Department of Education (DepEd) sa mga mahahalagang reporma sa pagtuturo at pagkatuto para sa School Year 2026–2027.

Isinasagawa ang mga orientation simula Abril 24 upang matiyak na handa ang mga school head sa pamumuno at pamamahala ng mga bagong academic protocol.

Ang mga regional at division planning conference na ginanap nitong unang bahagi ng buwan ang nagsilbing pundasyon, na sinundan ngayon ng cluster-based orientation para sa mga school head hanggang katapusan ng buwan. Nakatakda naman ang malawakang orientation para sa mga guro at school head mula Mayo 2 hanggang 15.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang maagang pagsisimula ng orientation ay bahagi ng mas maingat at planadong pagpapatupad ng mga reporma.

“Hindi puwedeng papel lang ang pagbabago. Kailangan ramdam ito sa bawat classroom,” sinabi  ni Angara. “We are making sure our school heads and teachers understand not just the ‘what,’ but the ‘why’ and the ‘how.’”

Kasabay nito, naglabas si Angara ng malinaw na paalala sa mga school head na pangalagaan ang oras at trabaho ng mga guro habang ipinatutupad ang mga reporma.

“Habang pinapadali natin ang sistema, hindi puwedeng dinadagdagan ang trabaho ng guro. No unnecessary reports, no extra tasks that take teachers away from teaching,” dagdag niya.

Personal na pinamumunuan ng mga matataas na opisyal ng DepEd ang mga oryentasyong ito upang matiyak ang direkta at tumpak na paghahatid ng mga update sa polisiya sa lahat ng rehiyon.

Upang matiyak ang malawak na saklaw at flexibility, sinabi ng DepEd na ang mga session na ito ay maaaring isagawa nang face-to-face, online, o sa pamamagitan ng self-paced materials gaya ng mga website at video kit.

Nagbibigay din ang DepEd ng mga kinakailangang kagamitan, kabilang ang mga materyales at resource person, upang mapanatili ang mataas na kalidad ng pagsasanay.

Saklaw ng orientation ang pagsasaayos sa istruktura ng school year sa ilalim ng three-term school calendar policy. Kasama rito  ang paglalagay ng opening block sa simula ng klase na nakatuon sa baseline assessment, school diagnostics, at mga programang pangsimula ng taon tulad ng feeding initiatives.

Layunin nitong maayos muna ang mga paghahanda at administrative na gawain bago ang pormal na pagtuturo, upang makapokus ang mga guro at mag-aaral sa pagkatuto kapag nagsimula na ang regular na klase.

Samantala, nilinaw ni Undersecretary for Learning Systems Strand Carmela Oracion na ang pagbabago sa school calendar ay hindi magdadagdag ng gastusin para sa mga pamilya.

“Pareho pa rin ang kabuuang bilang ng school days. Ang binabago natin ay kung paano ginagamit ang oras,” ani Oracion, at idinagdag na mananatiling karaniwan ang mga gastusin sa pagbubukas ng klase tulad ng uniporme, school supplies, at arawang baon.

Binigyang-diin din ng DepEd na bahagi ng reporma ang pagbawas sa administrative workload ng mga guro. Inaasahan ang mga school head na i-streamline ang mga requirements sa paaralan at iayon ito sa pambansang layunin na gawing mas simple ang trabaho ng mga guro.

Dagdag pa ng kagawaran, nakahanda na ang mga training materials, resource persons, at iba’t ibang paraan ng pagsasagawa—kabilang ang face-to-face, online, at self-paced—upang matiyak na makakalahok ang lahat ng paaralan sa buong bansa anuman ang sitwasyon sa logistics.

Bukod dito, tatalakayin din sa mga oryentasyon ang mga kaugnay na reporma sa binagong mga alituntunin para sa classroom assessment at grading, lesson planning, flexible learning programs, updated protocols para sa pagpapatuloy ng pagkatuto tuwing may emergency, at ang pinalakas na Senior High School curriculum at work immersion.

Ang mga estratehikong pagsasaayos na ito ay partikular na nakatuon sa pagpapabuti ng learning outcomes sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas matatag at nakapokus na kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro.