LUNGSOD NG MAKATI, 24 Abril 2026—Inaasahang makikinabang ang mga guro sa pampublikong paaralan at mga kawani ng edukasyon sa mas mabilis na proseso at mga espesyal na pribilehiyo sa pabahay. Ito ay matapos makuha ng Department of Education (DepEd) ang prayoridad na access sa mga gaganaping nationwide housing fair ng Home Development Mutual Fund, o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund.
Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang pakikipag-ugnayan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund upang tulungan ang mga tauhan ng DepEd na nahihirapang kumuha ng sariling bahay dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ari-arian, limitadong access sa pondo, at kakulangan sa impormasyon tungkol sa mga programang pambahay.
“Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa Pag-IBIG, sinisiguro natin na ang ating mga guro ay prayoridad sa programa sa pabahay ni Pangulong Bongbong Marcos. Layunin nating pagaanin ang proseso para magkaroon sila ng sariling tahanan na abot-kaya at disente,” ani Angara.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta sa naturang partnership. Ayon sa kanya, nakatuon ang ahensya sa pagbibigay ng mga specialized lane at dedikadong counseling upang matiyak na sapat ang kaalaman ng mga guro tungkol sa kanilang mga benepisyo.
“Sa Pag-IBIG Fund, lubos po naming kinikilala ang mahalagang papel ng ating mga guro at kawani ng edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng ating bansa. Kaya naman ang ating housing fairs ay isa sa mga konkretong paraan upang maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Marcos na mas ilapit sa mas maraming Pilipino ang dekalidad at abot-kayang pabahay, partikular sa sektor ng edukasyon,” pahayag ni Acosta.
“Sa pakikipagtulungan natin sa DepEd, binibigyan natin ang ating mga guro ng priority access at gabay mula sa ating mga Lingkod ng Pag-IBIG sa mga gaganaping housing fairs, upang mas madali nilang mahanap ang tahanang disente, abot-kaya, at angkop sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng mga Pag-IBIG housing fair, maaaring makapili ang mga tauhan ng DepEd ng mga murang yunit ng pabahay, makatanggap ng on-site counseling tungkol sa mga tuntunin at kinakailangan sa pagpopondo, at makapag-apply ng loan habang sinasamantala ang mga eksklusibong alok para sa mga empleyado ng gobyerno.
Ang unang bahagi ng mga housing fair ay gaganapin mula Abril 27 hanggang 28 sa Jose Rizal Coliseum sa Calamba City, Laguna, at mula Abril 30 hanggang Mayo 1 sa IEC Convention Center sa Cebu City.
Upang matiyak ang maayos na karanasan, ang mga rehistradong empleyado ay bibigyan ng Pag-IBIG Loan Value Card na nagpapabilis ng evaluation sa mga developer booth at nagbibigay daan para sa preliminary loan assessment.
Depende sa bilang ng mga pre-registered na kalahok, maghahanda rin ang Pag-IBIG ng mga shuttle service na maghahatid sa mga kawani patungo sa mga site ng housing fair para sa kanilang kaginhawaan.
Layon ng hakbang na ito na maulit ang tagumpay ng mga empleyado katulad ni Maridel Ignacio na nakakuha ng bahay sa lalawigan ng Rizal sa pamamagitan ng special housing loan facility ng DepEd at Pag-IBIG. Kinuha niya ang loan facility para sa DepEd housing project noong 1996 at sa kasalukuyan, naninirahan sa isang komunidad kasama ang kanyang mga kapwa kawani.
Sa pakikipagtulungan sa DHSUD, higit sa 20,000 yunit ng pabahay ang ibibida ng Pag-IBIG sa mga naturang fair. Magtatakda rin ng mga karagdagang housing fair sa Mindanao at Metro Manila upang masiguro ang malawak na pag-abot sa programa.
Para tugunan ang usapin ng kakayahan sa pagbabayad, nag-update ang Pag-IBIG ng listahan ng kanilang mga produkto upang mag-alok ng mas murang packages. Kabilang dito ang mga diskwento na aabot sa 45% sa mga acquired assets, specialized group sales, at mga ari-ariang pasok sa salary bracket ng mga guro.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang access sa mga developer at suportang lohistikal, patuloy na binibigyang-halaga ng DepEd ang pangmatagalang seguridad ng mga tapat na guro at kawani sa buong bansa.



