
LUNGSOD NG ROXAS, CAPIZ, 27 Abril 2026— Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara nitong Biyernes ang isang makasaysayang mass oath-taking para sa 8,009 na mga bagong-promote na guro at school heads mula sa Western Visayas na ginanap sa Villareal Stadium.
Ang naturang monumental na kaganapan ang itinuturing na pinakamalaking mass promotion ceremony sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system hanggang sa kasalukuyan, kasunod ng mga isinagawang panunumpa ng mga 3,300 guro at school heads sa Cebu; 2,600 sa Davao at 2,100 sa Eastern Visayas kamakailan.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos, tinitiyak natin na wala nang guro ang mapag-iiwanan at ang bawat paghihirap ng ating mga guro ay may kapalit na tagumpay at tunay na pagkilala sa ilalim ng ECP,” pahayag ni Angara, na siyang nangasiwa sa panunumpa.
Saksi rin sa nasabing milestone si First Lady Louise Araneta-Marcos, bilang pagpapatupad sa pangako ni Pangulong Marcos na wala nang dedikadong guro ang magreretiro na may ranggong Teacher I lamang.
Binigyan rin ni Angara ng espesyal na pagkilala ang 57 na promotees na pinakamatagal nang naglilingkod na may 35 hanggang 42 taon sa propesyon, kabilang ang dalawang gurong sa wakas ay napromote na mula sa pagiging Teacher I.
Sa ilalim ng sistemang ECP, nagkakaroon ng maayos at merit-based na balangkas kung saan maaaring tumaas ang sahod at ranggo ng mga guro habang nananatili sa kanilang tungkulin sa pagtuturo. Layon nitong alisin ang mga systemic bottlenecks na nagdulot ng pagkakaantala sa career ng marami sa loob ng ilang dekada.
Upang mapabilis ang transpormasyong ito sa buong bansa, target ng Department of Education (DepEd) ang malawakang 100,000 promotions sa ilalim ng ECP sa loob lamang ng taong ito.
Naging emosyonal ang seremonya dahil sa mga kuwento ng tagumpay gaya ng kay Jocelyn Galvez ng Duran Elementary School sa Dumalag, Capiz na mula Teacher I ay naging Teacher III matapos ang halos tatlong dekada, dahilan upang hindi siya magretiro sa ranggong kanyang sinimulan.
“Ang promosyon na ito ay higit pa sa isang posisyon, ito ay katuparan ng matagal ko nang pangarap. Now, I present myself not only as a teacher– but as a testimony of hope,” pahayag ni Galvez.
“I truly believe sa ECP, that no teacher will retire as Teacher I anymore. Ang programang ito ay nagpapatunay na sa bawat gurong umaasa, at patuloy na naglilingkod– darating din ang panahon, na ang tapat na serbisyo ay kikilalanin at pararangalan,” dagdag niya.
Para naman kay Evelyn Molavin ng Balcon Meliza Elementary School sa Jordan, Guimaras, nagsilbing simbolo ng pag-asa ang ECP matapos ang 14 na taon sa entry-level bago naging Teacher III noong 2022, at ngayon ay Teacher VI na.
“Malaki po ang naging epekto ng ECP sa buhay ko. After many years of waiting, finally nakita ko na may pag-asa pala ang mga guro na umangat. Hindi lang po ito basta promotion– ito ay pagkilala sa aming sakripisyo at dedikasyon bilang mga guro,” ayon kay Molavin.
Sa pamamagitan ng pagbuo ng mas matatag at kapaki-pakinabang na career path para sa mga guro, binibigyang-lakas ng DepEd ang kanilang mga pamilya na makamit ang pangmatagalang katatagan at pag-angat sa buhay na kailangan upang wakasan ang siklo ng kahirapan.


