LUNGSOD NG MAKATI, 28 Abril 2026– Para sa mga mag-aaral na biglang naantala ang buhay dahil sa sakit o kahirapan, ang Alternative Learning System (ALS) ay nagsisilbing isang mahalagang kanlungan kung saan muling binubuo ang mga pangarap.

Sa loob ng sistemang ito, ang dating ALS student na si Aldwin Balintec, na minsan nang pinatigil ng malubhang krisis sa kalusugan, ay nagbalik bilang isang lisensyadong propesyonal. Ngayon isa na siyang isang mobile teacher na determinado sa pagsagip sa iba mula sa anino ng kawalan ng edukasyon na minsan din niyang pinagdaanan.

“Sa ilalim ng administrasyong Marcos, ang ating layunin ay gawing mas inklusibo ang edukasyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ALS para sa mga mag-aaral na nahihirapan o nasa labas ng pormal na paaralan,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

“Ang mga tagumpay na ito ay nagpapatunay na sa tamang interbensyon at suporta, kayang malampasan ng bawat Pilipino ang anumang hamon sa kanilang pag-aaral tungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” dagdag ni Angara.

Si Balintec, na taga-Cauayan City, ay napilitang huminto sa pag-aaral noong 2001 nang bigla siyang hindi makalakad sa edad na 13 dahil sa malubhang karamdaman, kung saan nakaramdam siya ng matinding kawalan ng pag-asa.

Noong 2009, nakilala niya ang isang ALS mobile teacher na nagpakilala sa kanya sa programa para sa mga out-of-school youth. Matapos maipasa ang Accreditation and Equivalency (A&E) test sa gabay ng kanyang mentor, nagsumikap si Balintec na tapusin ang Bachelor of Elementary Education sa Isabela State University bilang iskolar ng lokal na pamahalaan at kalaunan ay pumasa sa Licensure Examination for Teachers.

Matapos magsilbi bilang literacy volunteer, natanggap siya bilang elementary teacher sa ilalim ng Schools Division Office ng Cauayan City noong 2016. Makalipas ang ilang buwan, inalok siya ng kanyang dating ALS supervisor na maging isang ALS mobile teacher para sa Cauayan East District.

“Without hesitation, I accepted the offer, believing it was my calling– helping others who have yet to achieve their dreams and inspiring them through empathy and understanding. I was once hopeless, lost and among the least in society. I am very thankful for this program that gave me the opportunity to uplift my living,” ani Balintec.

Samantala, muling isinulat ng ALS graduate na si Rinda Limkul mula sa San Fernando City, La Union, ang kanyang tadhana sa tulong ng programa matapos siyang mapilitang huminto sa pag-aaral sa edad na 13 dahil sa kahirapan. Upang mabuhay, nagtinda siya noon ng mga meryenda gaya ng lumpia at pansit araw-araw.

Makalipas ang ilang taon, nakilala niya ang programang ALS na kanyang pinagsumikapan sa tulong ng kanyang guro. Matapos ang kanyang pagtatapos sa ALS, nakatungtong siya sa kolehiyo noong 2016, nakakuha ng degree noong 2022, at nakapasa sa Civil Service Exam na naging daan upang makakuha siya ng trabaho sa gobyerno.

“My journey is still far from over but I’m already miles from where I began, and I pat my past self as I look back. If a broke, tired, doubtful kid like me made it, then trust me, so can you,” wika ni Limkul.

Abot-kamay din ang tulong ng programa kay Rebecca Simbulan, isang 57-anyos na masipag na tindera ng gulay mula Batac, Ilocos Norte, na naglalakad ng ilang kilometro araw-araw para suportahan ang kanyang mga anak bago nakapagtapos ng Senior High School sa ilalim ng ALS ngayong 2026.

Ang kanyang kwento ay patunay na walang pinipiling edad ang edukasyon, habang pinagsasabay niya ang kanyang mga academic module at ang paghahanapbuhay para makaahon ang pamilya sa hirap.

Hinihikayat ng DepEd ang mas marami pang out-of-school youth at mga nasa hustong gulang na tahakin ang parehong landas sa pamamagitan ng pag-enroll sa ALS para sa School Year 2026–2027—isang pangalawang pagkakataon sa edukasyon na may flexible at abot-kayang paraan ng pagkatuto.