LUNGSOD NG MAKATI, 29 Abril 2026 — Ginawaran ni Education Secretary Sonny Angara ang Gokongwei Brothers Foundation (GBF) ng DepEd Hero Award, bilang pagkilala sa malaking ambag nito sa pagpapabuti ng buhay ng mga mag-aaral at guro sa pamamagitan ng science, technology, engineering, at mathematics (STEM) education at tuloy-tuloy na suporta sa mga guro.

Pinarangalan bilang mga 2026 DepEd Heroes ang mga pinuno ng GBF na sina Lance Y. Gokongwei (Chairman), James L. Go (President), Robina Y. Gokongwei-Pe (Trustee at Secretary), Lisa Y. Gokongwei-Cheng (General Manager), Grace R. Colet (Executive Director), at Kristine Tinette T. De Asis (Head of Educator Programs). Kinilala sila sa kanilang pamumuno at patuloy na pagsuporta sa pagpapalakas ng edukasyon sa Pilipinas.

Sa kanyang pahayag sa awarding ceremony, binigyang-diin ni Sec. Angara ang kahalagahan ng pagkilala sa mga katuwang ng Department of Education (DepEd) sa reporma sa edukasyon.

“The DepEd Hero Award gives recognition to the people who really go out of their way and do extraordinary things to help our learners and our teachers, and advance the cause of education reform in our country. And that’s something that Gokongwei Brothers Foundation has always been committed to from day one,” ani Sec. Angara.

Sa kanyang pagtanggap ng award sa ngalan ng GBF, nagpasalamat si General Manager Lisa Y. Gokongwei-Cheng sa pagkilala at binigyang diin na ang pagkilalang ito ay resulta ng sama-samang pagsisikap ng foundation, DepEd, at mga komunidad ng paaralan.

“And as we look ahead, our commitment only deepens. We will continuously review and strengthen our existing programs to be responsive to the challenges. We will continue to ask, ‘How can we do more?,” ani Gokongwei-Cheng.

“But more than numbers, what truly matters to us are the stories behind them: the teacher who becomes more confident in handling struggling readers; the student who begins to understand a concept that once felt incomprehensible; the school that feels supported, seen, and empowered,” dagdag niya.

“These are the real impact of our shared work. And none of this would be possible without the DepEd’s leadership, guidance, and openness to collaboration.”

Sa kasalukuyan, mahigit 3,500 iskolar na ang natulungan ng GBF sa pamamagitan ng mga scholarship program nito, na nagpalawak ng access sa de-kalidad na edukasyon at nagbukas ng mga oportunidad mula pag-aaral patungong trabaho.

Patuloy din ang pagbibigay-prayoridad ng foundation sa suporta sa mga guro sa pampublikong paaralan, alinsunod sa agenda ng DepEd para sa educator development.

“Mula nang maging partner po namin ng Gokongwei Brothers Foundation, nabago po ang mga sistema po namin sa loob ng paaralan. Naging proactive. Naging active ang mga kabataan natin sa pagpapa-participate dahil nakikita nila sa TV ang kanilang mga lesson, kumikilos, gumagalaw, kaya sila ay maayos na sumasali sa kanilang aralin,” wika ni school head Peter Inocando ng Caloocan North Elementary School.

Naabot na rin ng educator programs ng GBF ang mahigit 320,000 guro sa buong bansa, kabilang ang 26 na webinar sa nakalipas na dalawang taon na nakatuon sa reading at math remediation.

Isa sa mga learning series nito ay dinaluhan ng mahigit 210,000 guro, habang mahigit 103,000 naman ang nabigyan ng Continuing Professional Development (CPD) credits sa pamamagitan ng STEM Collab webinars sa pakikipagtulungan sa National Educators’ Academy of the Philippines (NEAP).

Sa ilalim naman ng ClassBuilder program, nakapagbigay ang GBF ng lesson materials at coaching strategies sa mahigit 5,000 paaralan, 45 dibisyon, at 41,000 guro sa buong bansa, na patuloy pang palalawakin sa 2026.