LUNGSOD NG MAYNILA, 30 Abril 2026— Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang commitment ng Department of Education (DepEd) sa paggamit ng artificial intelligence (AI) upang pabilisin ang operasyon sa mga paaralan at direktang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga guro at mag-aaral araw-araw.

““AI does not always have to be complex—it is in simple, meaningful integrations where it truly changes lives,” pahayag ni Angara sa kanyang keynote address sa pagdiriwang ng 2026 National Innovation Day nitong Miyerkules. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “AGOS ASEAN: AI for Growth, Opportunity, and Sustainability in ASEAN.”

Ayon kay Angara, layunin ng mga AI initiatives ng DepEd na bawasan ang administrative workload ng mga guro, pabilisin ang serbisyo ng gobyerno, at tiyaking makakarating ang tulong sa mga paaralan, lalo na sa mga komunidad na kulang sa pasilidad.

Kinilala ng Kalihim ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtataguyod ng inobasyon sa iba’t ibang sektor. Binanggit niya ang kolaborasyon sa pagitan ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Department of Science and Technology (DOST), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa isang whole-of-government approach sa AI at digital transformation.

“These are not one-off solutions. We are building systems that will last, improve over time, and directly support our classrooms,” dagdag ni Angara.

Nangunguna sa inisyatibang ito ng DepEd ang Education Center for AI Research (ECAIR), na bumubuo ng mga kagamitang tutugon sa mga deka-dekadang problema sa sistema ng edukasyon.

Sa ginanap na roundtable discussion, ipinaliwanag ni ECAIR Managing Director Erika Fille Legara ang kahalagahan ng pag-uugnay ng datos, systems at mga opisyal upang mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng halos 25 milyong mag-aaral sa buong bansa.

Kabilang sa mga pangunahing proyektong AI na ipinapatupad ng DepEd ay ang Project DUNONG na awtomatikong gumagawa ng mga report at assessment para sa mga school head upang mabawasan ang paperwork at matutukan nila ang paggabay sa pagtuturo.

Tinutukoy ng Project TALINO ang mga kakulangan sa imprastraktura at resources—gaya ng silid-aralan at kuryente—upang masiguro na mapupunta ang pondo sa mga lugar na higit na nangangailangan.

Para naman sa kapakanan ng learners, ginagamit ang Project SIGLA sa maagang pagtukoy ng malnutrisyon habang ang Project SABAY ay tumutulong sa pag-screen ng mga mag-aaral na may reading at speech difficulties para sa mas maagang interbensyon sa loob ng classroom.

Ipinatutupad din ng DepEd ang Project SALIKSEEK, isang generative AI tool para sa mabilis na pagkuha ng verified data na kailangan sa pagpaplano at pagdedesisyon sa loob ng departamento.

Binigyang-diin ni Angara na ang tunay na layunin ng inobasyon ay hindi lamang teknolohiya, kundi ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa lahat.

“The task before us now is to build and sustain the flow that we envision together, in the true spirit of the ASEAN Way so that across our region, opportunity does not remain in pockets—but reaches every learner and every teacher,” ani Angara.