
LUNGSOD NG MAKATI, 1 Mayo 2026— Tuloy tuloy ang Department of Education (DepEd) ang pagbibigay ng subsidiya para sa mga underprivileged learners sa pribadong sektor sa darating na pasukan, kung saan target ang mahigit 2.4 milyong benepisyaryo sa ilalim ng pinalawak na programang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE).
Nasa 990,000 mag-aaral sa Junior High School ang sasaklawin ng Educational Service Contracting (ESC) program, habang nasa 1.47 milyong senior high school learners naman ang makikinabang sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa School Year 2026–2027.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na ma-enroll ang kanilang mga anak sa mga pribadong paaralan upang maibsan ang gastusin at makatulong din para hindi masyadong magsiksikan sa mga pampublikong paaralan.
“Prayoridad ni Pangulong Bongbong Marcos na mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino pagdating sa matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan,” ani Angara.
“Hindi dapat tumigil ang pag-aaral ng isang bata dahil lang sa kakulangan sa pera. Ang tulong ng pamahalaan ay dapat makarating sa mga pamilyang pinaka nangangailangan. These subsidies are meant to keep children in school,” dagdag niya.
Naglabas din ang DepEd ng mga bagong alituntunin para sa E-GASTPE, kung saan pinag-isa na sa ilalim ng iisang framework ang pagpapatupad ng ESC, SHS-VP, at Teachers’ Salary Subsidy (TSS).
Mas tututukan din ngayon ang pagbibigay-prayoridad sa mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya, kabilang ang mga low-income households, mga komunidad ng Indigenous Peoples (IP), at mga nasa malalayong lugar o geographically isolated areas—mga grupong madalas napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera.
Bagama’t mga mag-aaral ang bulto ng mga benepisyaryo, sinabi ng DepEd na tuloy pa rin ang suporta para sa mga private school teachers sa pamamagitan ng TSS. Tumaas na ito sa PhP 24,000 mula sa dating PhP 18,000 para masigurong maayos ang kalidad ng pagtuturo, lalo na sa mga paaralang tumatanggap ng mga subsidized na estudyante.
Dagdag ni Angara, ang mga pagbabagong ito ay tugon sa patuloy na problema sa gastusin sa pag-aaral—mula sa pamasahe, uniporme, hanggang sa tuition—na nagpapahirap sa budget ng mga pamilya, lalo na ang mga nasa itaas lamang ng poverty line.
Inugnay din ng DepEd ang programa sa mas malawak na hamon sa sistema ng edukasyon. Ayon sa kagawaran, ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan ay nakaaapekto sa kalidad ng pagkatuto.
Sa pamamagitan ng pagsuporta sa enrollment sa mga pribadong paaralan, hindi lamang nababalanse ang bilang ng mga mag-aaral kundi napapanatili rin ang kalidad ng edukasyon sa parehong sektor.
Sa ilalim ng nirebisang polisiya, magkakaroon ng mas sistematikong paraan ng pagpili ng mga benepisyaryo, kabilang ang mas mahigpit na screening at monitoring upang matiyak na mapupunta ang pondo sa mga mag-aaral na tunay na nangangailangan.
Binigyang-diin ng DepEd na kritikal ang papel ng mga pribadong paaralan sa adhikaing ito, at inilarawan ang partnership bilang isang praktikal na paraan upang palawakin ang access sa edukasyon nang hindi labis na nabibigatan ang pampublikong imprastraktura.
Magsisimulang ipatupad ang mga updated guidelines sa ilalim ng DepEd Order No. 11 series 2026 sa School Year 2026–2027.


