LUNGSOD NG PASIG, 30 Abril 2026– Opisyal na inilunsad ni Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes ang M7X Ready School Program, isang inisyatibong layong gawing institusyonal ang kahandaan sa lindol at protektahan ang sektor ng edukasyon mula sa banta ng mapaminsalang magnitude 7.0 na lindol o ang “The Big One.”
Target ng komprehensibong M7X earthquake-ready certification program ang lahat ng pampublikong paaralan sa Greater Metro Manila Area—kabilang ang National Capital Region, Central Luzon, at Calabarzon—sa pagtatapos ng School Year 2026.
Pagkatapos ng initial phase, plano ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang estratehikong pagpapalawak ng programa sa buong bansa upang masakop ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan pagdating ng 2028.
“Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, prayoridad natin ang kaligtasan at tuluy-tuloy na edukasyon ng mga mag-aaral at personnel ng DepEd,” pahayag ni Secretary Angara, habang binibigyang-diin na ang M7X ay higit pa sa simpleng drill kundi isang ganap na sistema ng paghahanda.
“Gumagawa ang DepEd ng mga proactive na hakbang upang maghanda para sa ‘The Big One’ sa halip na tumugon lamang matapos ang sakuna,” dagdag pa niya.
Partikular na inihahanda ng M7X program ang sektor ng edukasyon para sa mga nakababahalang prediksyon ng Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS) Model 08.
Ayon sa pag-aaral, ang isang magnitude 7.2 na lindol mula sa West Valley Fault ay maaaring magdulot ng 34,000 na pagkamatay at malawakang pagkawasak ng mga imprastraktura.
Sa isinagawang oryentasyon sa earthquake preparedness program na ginanap sa Tanghalang Rizal sa Pasig City, binigyang-diin ni Angara na ang kahandaan sa mga paaralan ay krusyal upang makapagligtas ng buhay, mapangalagaan ang mga pasilidad, at matiyak na hindi mapuputol ang pag-aaral.
Kasama ng mga opisyal ng DepEd sa aktibidad ang mga katuwang sa edukasyon, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan upang patatagin ang pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor.
Upang makuha ang M7X certification, dapat sumunod ang mga paaralan sa mahigpit na mga requirements kabilang ang structural audits at fire inspections, paglalagay ng early warning systems, at pagpapakilos ng mga dedikadong DepEd Agile Response Teams (DART).
Ang mga hakbang na ito ay mahalaga para sa mga paaralang nasa high-risk areas kung saan mataas ang populasyon at malapit sa mga fault lines na nagpapataas ng panganib ng pagguho ng mga gusali.
Bukod sa pisikal na kaligtasan, ipinag-uutos din ng inisyatibo ang pagsasanay sa basic life support at first aid upang matiyak ang kabuuang kapakanan ng mga kawani at mag-aaral.
Sa pamamagitan ng pag-standardize sa mga protokol na ito, nilalayon ng DepEd na makabuluhang mabawasan ang bilang ng mga posibleng casualties at matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo ng edukasyon kahit matapos ang isang malakas na sakuna.
Pinagsasama ng framework na ito ang kahandaan ng pamilya at kaligtasan sa paaralan, tungo sa pagbuo ng isang kultura ng resilience sa loob ng sektor ng batayang edukasyon.
Ang pagtutulungang ito ay kinapapalooban ng pormal na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at pribadong partner upang matiyak ang mabilis na pagpapakilos ng mga kagamitan at tulong sa oras ng emergency.



