LUNGSOD NG MAKATI, 1 Mayo 2026—Nagtamo ng malaking advantage sa paghahanap ng trabaho ang mga Senior High School (SHS) graduates sa buong bansa dahil sa pagbubukas ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga espesyal na Green Lane sa mga Labor Day Job Fair para pabilisin ang kanilang pagpasok sa workforce.

Ang pagtutulungang ito ay nagbibigay sa mga SHS graduates ng mabilisang landas tungo sa trabaho, bilang tulong sa mas maraming pamilya na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maaasahang kita para sa kanilang mga batang breadwinner.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang inisyatibong ito ay pagtupad sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iangat ang buhay ng mga nangangailangan.

“Tungkulin nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno at tunay na oportunidad sa ating mga mag-aaral alinsunod sa pangarap ni Pangulong Bongbong Marcos na hanguin ang bawat pamilyang Pilipino mula sa hirap,” sabi ni Angara.

Sabay-sabay na isinasagawa ang mga Labor Day Job Fair na ito sa iba’t ibang estratehikong lugar sa bawat rehiyon para sa localized access, kung saan tinukoy ng DOLE ang mga 70 sites karamihan sa mga mall sa buong bansa na nag-aalok ng mahigit 230,000 oportunidad sa trabaho.

Para makagamit ng Job Fair Green Lane—isang express entry na nagpapahintulot sa mga SHS graduates na lampasan ang mahabang pila para mas mabilis na makaharap ang mga kumpanya—kailangan lamang magpakita ng valid credentials gaya ng School ID at Certificate of Completion o Graduation.

Napatunayan ang bisa ng socio-economic strategy na ito noong rollout ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) nitong Marso, kung saan mahigit 1,400 SHS at Alternative Learning System (ALS) graduates ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot.

Nasa 40 paaralan sa buong bansa ang ginawang one-stop hubs na nag-aalok ng mga trabaho at suporta para sa mga graduates.

Mahigit 5,900 graduates ang nakatanggap ng libreng pre-employment documents gaya ng birth certificates, NBI, at police clearances—na malaking tulong para maalis ang mabigat na gastos na madalas humahadlang sa mga hirap sa buhay na mag-apply ng trabaho.

“Sa pamamagitan ng Green Lane at pag-alis ng bayad sa dokumento, binabawasan natin ang pasanin ng mga magulang at binibigyan ang mga graduates ng pagkakataong agad na makatulong sa kani-kanilang mga tahanan,” paliwanag ni Angara.

Ang proyektong ito ay nakabase sa First Time Jobseekers Assistance Act o Republic Act No. 11261, kung saan si Angara ang nagsilbing principal author noong siya ay nasa Senado, para gawing institusyonal ang suporta ng gobyerno sa kabataang gustong tapusin ang siklo ng kahirapan.

Dahil sa pinabilis na pag-eempleyo gamit ang mga Labor Day Job Fair Green Lane, tinitiyak ng DepEd at DOLE na ang diploma sa high school ay direktang magreresulta sa pagkakaroon ng pagkain sa hapag-kainan at mas magandang kinabukasan para sa pamilyang Pilipino.