LUNGSOD NG MAKATI, 4 Mayo 2026—Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na prayoridad ang kaligtasan ng mga komunidad ng paaralan sa Albay habang nananatili ang Mayon Volcano sa ilalim ng Alert Level 3 dahil sa tindi ng aktibidad nito.

Upang matiyak ang proteksyon ng mga mag-aaral at kawani, naglaan ang Department of Education ng (DepEd) ng hindi bababa sa 850 all-weather kits at N95 masks para sa agarang pamamahagi sa mga apektadong paaralan.

“Prayoridad natin ang kanilang kaligtasan habang nagbibigay ng suporta para sa kanilang edukasyon sa gitna ng sakuna,” pahayag ni Angara.

“Sisikapin natin na hindi maantala ang pag-aaral ng ating mga kabataan dito sa Albay sa kabila ng sitwasyon, lalo na’t magsisimula na ang summer remediation programs at darating na ang pasukan,” dagdag pa ng Kalihim.

Bukod sa mga protective gear, nagpakilos din ang DepEd ng PhP20,000 halaga ng learning, teaching, at hygiene kits bawat paaralan upang palakasin ang mga lokal na contingency plan.

Sa ulat nitong Mayo 3, tatlong paaralan—ang Tagaytay Elementary School, Bariw Elementary School, at Cabangan Elementary School sa bayan ng Camalig—ang nagsisilbing evacuation centers.

May kabuuang 34 na silid-aralan ang pansamantalang ginagamit bilang tirahan ng 488 pamilya o humigit-kumulang 1,315 indibidwal, kabilang ang 101 na mga mag-aaral at siyam na kawani.

Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DepEd sa mga lokal na awtoridad sa kalamidad upang patatagin ang emergency preparedness at mga safety protocol para sa kaligtasan ng lahat ng mag-aaral at kawani.

Inutusan na rin ang mga field office at paaralan na itabi sa ligtas na lugar ang mga kagamitan sa pag-aaral, record, at equipment habang naghahanda ng mga mahahalagang emergency resource.

Samantala, patuloy na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone at Extended Danger Zone sa paligid ng Mayon dahil sa banta ng biglaang pagsabog.

Pinapaalalahanan ang publiko na maging handa at mapagmatyag dahil sa banta ng biglaang pagbuga ng usok o singaw, pati na rin ang posibleng pagdaloy ng lava mula sa Bulkang Mayon.