LUNGSOD NG MAKATI, 5 Mayo 2026—Sa pormal na paglulunsad ng Department of Education (DepEd) ng 2026 Summer Remediation Programs (SRP) sa buong bansa, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng mga guro at tutors sa pagtulong sa mga mag-aaral na maabot ang kanilang grade-level proficiency.

Magsisimula mula Mayo 6 hanggang Hunyo 2, 2026, ang programang ito ay bahagi ng pagsisikap ng DepEd na ituloy ang naitalang pag-unlad sa learning recovery at matugunan ang natitirang gaps sa foundational skills, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang learning recovery.

Target ng SRP na magbigay ng tutok na suporta sa pagbasa at matematika para sa humigit-kumulang 2.7 milyong learners mula Grade 2 hanggang 11 bilang paghahanda sa susunod na pasukan.

Sentro ng inisyatibong ito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na nagbibigay ng structured at targeted na suporta sa pamamagitan ng mga tutors na binubuo ng mga guro, para-teachers, pre-service teachers, at volunteers. Kasabay nito, ipinatutupad din ang ipa bang remediation efforts upang mas matugunan ang pangangailangan ng learners.

“Sa bawat batang umaangat, may mga guro at tutor na nagtitiyaga at naglalaan ng oras. Kinikilala natin ang sakripisyong ito. Kaya kasabay ng SRP at ARAL ay ang patuloy na pagtiyak na ang ating mga guro at tutors ay suportado, nirerespeto, at inaalagaan,” pahayag ni Angara.

“Sa pamamagitan ng SRP at ARAL, at ng tulong ng ating mga guro at tutors, masisiguro natin ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng bawat mag-aaral hanggang sa makamit ang grade-level proficiency,” dagdag niya.

Sa iba’t ibang komunidad, mahalagang katuwang ang tutors sa pagsuporta sa pagkatuto ng mga bata. Para kay SK Chairman CJ Gaoat mula Ilocos Sur, ang pagiging ARAL tutor ay isang paraan upang makatulong sa kapwa. “When my high school teachers contacted me, I realized that learners need guidance not only from our teachers, but also from us — those who can extend help,” aniya.

Sa Tacurong City, Sultan Kudarat, ibinahagi ni ARAL tutor Mie Camasura ang kahalagahan ng tiyaga at malasakit sa pagtuturo. “When you step in as a tutor, you aren’t just teaching ABCs. You’re pulling up a chair and telling a child that they aren’t slow; they just need someone to listen.”

Binigyang-diin naman ni Master Teacher Elsie Apigo mula San Fernando, La Union ang papel ng mentorship sa pagpapatatag ng programa. “I make sure to provide technical assistance to ARAL tutors by sharing innovative teaching strategies to encourage fun and engaging ARAL sessions. I always tell them that the ARAL program is an apt venue for them to grow professionally.”

Para kay aspiring teacher Mark Sumatra, mahalagang pagkakataon ang ARAL upang mahasa ang kanyang kakayahan habang tumutulong sa mga mag-aaral. “It’s a big help for us teacher applicants because it serves as a proper and formal way to hone and mold us as tutors while helping learners improve,” aniya.

Ang programa ay bunga ng positibong resulta ng nakaraang school year, kung saan 4.5 milyong learners ang nagpakita ng pagbuti sa literacy at numeracy, o pagbaba sa bilang ng struggling learners mula 6.7 milyon pababa sa 2.2 milyon.

Gayunpaman, kinilala ng DepEd na may mga hamon pa rin, kabilang ang pagpapanatili ng gains sa higher grade levels at ang patuloy na kahirapan sa mathematics at higher-order skills tulad ng analysis at application.

Ang learning recovery initiative ay bahagi ng mas malawak na policy at legislative efforts ni Secretary Angara upang palakasin ang foundational education. Bilang senador, tumulong siyang isulong ang Republic Act No. 12028 o ARAL Program Act, at bilang Kalihim ng DepEd, nilagdaan niya ang Implementing Rules and Regulations nito noong Disyembre 2024 — mula polisiya tungo sa direktang suporta para sa mga mag-aaral.

Binigyang-diin ng DepEd na ang learning recovery ay nangangailangan ng tuloy-tuloy at sama-samang pagkilos, kung saan ang ARAL at SRP ay sabay na gumagana upang matiyak na ang mga naitalang pag-unlad ay magdulot ng pangmatagalang resulta sa pagkatuto ng bawat mag-aaral.