LUNGSOD NG PROSPERIDAD, AGUSAN DEL SUR, 5 Mayo 2026 Pinalalakas ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Agusan del Sur, ang mga hakbang sa kaligtasan, kalusugan, at operasyon para sa 2026 Palarong Pambansa, na nakatuon sa kapakanan ng mga mag-aaral at maayos na daloy ng Palaro bago ang pagbubukas nito sa Mayo 24.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng ahensya sa host province at mga local partners upang matiyak ang ligtas at matagumpay na pagsasagawa ng pambansang palaro.

“Para sa DepEd, sa bawat Palaro, inuuna natin ang kaligtasan, kalusugan, at kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Nakahanda ang ating mga sistema, katuwang ang lokal na pamahalaan, para makapaglaro sila nang may kumpiyansa at sapat na suporta,” ani Angara.

Idinagdag niya na paiiralin ang pagtitipid sa buong Palaro upang masigurong maayos ang paggamit ng pondo, nang hindi naaapektuhan ang kalidad at kaligtasan ng mga laro.

Kasabay nito, may mga hakbang na rin laban sa mataas na heat index, tulad ng mas mahigpit na pagpapatupad ng hydration, pagtiyak na may sapat na tubig sa lahat ng venue, at pag-iskedyul ng mga laro sa mas malamig na oras ng hapon hanggang gabi upang maiwasan ang panganib ng matinding init sa mga atleta.

Sa isinagawang press conference naman nitong Lunes, sinabi ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Agusan del Sur at DepEd Caraga na nasa huling yugto na ang paghahanda, kung saan halos kumpleto na ang mga kagamitan at sumasailalim na sa testing sa bawat playing venue.

“The equipment for the Palarong Pambansa is nearly complete. New items arrive every day and we bring these to the playing venues so that we can have a dry run in every playing venue before the actual competition in the Palarong Pambansa,” ayon kay Agusan del Sur Governor Santiago B. Cane Jr.

Ipinahayag din ni Gov. Cane ang kanyang kumpiyansa na matutuloy ang Palaro ayon sa plano, at kinumpirma na ang partisipasyon ng lahat ng rehiyon sa bansa.

Iniulat ng lalawigan na lampas 97 porsiyento na ang pagkumpleto ng mga imprastraktura, bunga ng dalawang taong pagpaplano at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya.

Ipinatupad na rin ang integrated safety measures sa mga venue at billeting quarters, kabilang ang 24/7 presensya ng pulisya, surveillance systems, at nakalaang transportasyon para sa mga atleta at opisyal. Nakaantabay din ang mga medical team, ambulansya, at isang activated emergency operations center upang tumugon sa anumang insidente sa panahon ng palaro.

Dagdag pa ng mga organizer, nasubok na ang kahandaan sa sakuna sa pamamagitan ng mga simulation exercises tulad ng fire, earthquake, at evacuation drills para sa mga delegasyon.

Samantala, sinabi ni DepEd Caraga Regional Director Maria Ines C. Asuncion na ang antas ng paghahanda sa host province ay nagsisilbing pamantayan para sa mga susunod na edisyon ng Palarong Pambansa.

“We’re looking forward to the upcoming Palarong Pambansa. We are committed to making this the best experience yet for our athletes, coaches, and delegations here in the Caraga Region,” ani Asuncion.

Inaasahang dadalo ang mahigit 20,000 atleta, coach, at opisyal mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa 2026 Palarong Pambansa.