
LUNGSOD NG MAKATI, 6 Mayo 2026—Nag-ulat ang Department of Education (DepEd) ng mga positibong resulta sa learning recovery sa buong sistema ng batayang edukasyon, na tinampukan ng malaking pagbaba sa bilang ng mga struggling learner sa buong bansa.
Batay sa mga resulta ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Rapid Math Assessment (RMA) at ng Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) para sa School Year 2025-2026, humigit-kumulang 4.5 milyong mag-aaral na nagsimula ng taon bilang mga struggling reader ang matagumpay na napataas ang kanilang antas ng kahusayan o proficiency sa pagtatapos ng school year.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naging susi rito ang mga targeted intervention sa pundasyon ng literacy at numeracy, alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang sistema ng edukasyon.
“Our goal is to strengthen the entire learning recovery pipeline—from the earliest grades through senior high—so that early literacy success translates into lasting proficiency and genuine readiness for the world beyond graduation,” pahayag ni Angara.
Ang bilang ng mga struggling reader—o ang mga nangangailangan ng agarang tulong sa basic skills gaya ng pag-intindi sa tunog, pagbabasa, at simpleng pag-unawa sa salaysay—ay bumaba mula 6.7 milyon sa simula ng pasukan tungo sa 2.2 milyon sa pagtatapos nito.
Naitala ng DepEd ang pinakamalaking bawas sa bilang ng mga struggling reader sa Key Stage 1 para sa Grades 1-3 na umabot sa 33 percentage points, na sinundan ng 28 percentage point na pagbaba sa Key Stage 3 para sa Grades 7-10 at 16 percentage point na pagbaba naman sa Key Stage 2 para sa Grades 4-6.
Samantala, dumami naman ang hanay ng mga “grade-level ready” readers—o ang mga may kakayahang magbasa nang mag-isa—mula 3.3 milyon sa simula ng school year tungo sa 5.8 milyon sa pagtatapos ng taon.
Gayundin, halos kalahati ang nabawas sa mga mag-aaral sa lahat ng antas na natukoy bilang “not or low proficient” sa Math, mula 13 milyon pababa sa 6.8 milyon.
Iniulat din ng DepEd ang malaking pagbaba sa porsyento ng mga “emerging learners” sa Math—o ang mga nakakuha ng score na mababa sa proficiency level—kung saan nagtala ang Key Stage 1 ng 46-percentage point na pagbaba, sinundan ng Key Stage 2 na may 44-percentage point na pagbaba, at 18-percentage point na pagbaba sa Key Stage 3.
Bagaman ang mga batang mag-aaral ang nanguna sa learning recovery, pinaiigting na ngayon ng DepEd ang pagsisikap para sa mga secondary learner sa Key Stage 3 o Grade 7 hanggang 10.
Ayon sa DepEd, nagkaroon ng 28-percentage point na pagbaba sa bilang ng mga struggling reader at 18-percentage point na pagbaba sa bilang ng mga emerging learners sa math para sa grupong ito.
“We will continue to refine these interventions to ensure that the progress we see in the early years is sustained through the secondary levels, equipping our high school learners with the analytical skills they need for the future,” sinabi pa ni Angara.
Upang mapanatili ang momentum, sinabi ng DepEd na bagama’t epektibo ang mga kasalukuyang remediation program bilang safety net, dapat itong mapalitan sa kalaunan ng de-kalidad na pagtuturo sa loob ng silid-aralan, na kakabitan ng mga sistematikong reporma tulad ng paglipat sa three-term school calendar upang upang masiguro ang sapat na oras para sa pagtuturo.


