LUNGSOD NG MAKATI, 7 Mayo 2026— Inatasan ni Education Secretary Sonny Angara ang lahat ng private institutions na nag-aalok ng Senior High School (SHS) na gawing pormal na Government Recognition ang kanilang mga provisional permit pagsapit ng School Year 2027–2028.
Ayon kay Angara, layunin ng Department of Education (DepEd) Order No. 12, s. 2026 na palakasin ang quality assurance, pananagutan ng mga institusyon, at proteksyon para sa learners.
Sinabi niya na tinutugunan ng patakaran ang matagal nang gaps sa regulasyon ng private SHS programs.
Mahalaga ang patakaran upang maging mas malinaw at consistent ang quality standards sa SHS, ayon pa kay Angara.
“Malinaw ang bilin ni Pangulong Bongbong Marcos: dapat siguraduhin nating dekalidad at maaasahan ang edukasyon ng bawat mag-aaral, saan man sila nag-aaral,” aniya.
“Sa pamamagitan ng Government Recognition, mas malinaw ang pamantayan, mas accountable ang institutions, at mas protektado ang learners,” dagdag ni Angara.
Sa SY 2024–2025, ang private basic education institutions na nag-aalok ng SHS ay bumubuo sa 38 porsyento ng lahat ng SHS schools sa bansa at nagsisilbi sa humigit-kumulang 1.46 milyong Grade 11 at 12 learners.
Gayunpaman, marami sa kanila ang mahigit isang dekada nang umaasa sa provisional permits dahil wala pang malinaw at updated na proseso para sa SHS Government Recognition.
Sa ilalim ng bagong guidelines, kailangang kumuha ng Government Recognition ang private SHSs na may valid permits. Ito ang magbibigay ng permanenteng legal authority para mag-operate at magsisilbing patunay na sumusunod ang paaralan sa DepEd standards. Saklaw ng evaluation ang mahahalagang bahagi ng operasyon ng paaralan, tulad ng curriculum, leadership, facilities, learner support, faculty, planning, at finance.
Magkakaroon ng one-year transition period sa SY 2026–2027 upang makasunod ang mga paaralan nang hindi naaapektuhan ang access ng learners.
Sa panahong ito, maaaring mabigyan ng automatic recognition ang kwalipikadong institutions gaya ng Accrediting Agencies of the Philippines (FAAP)-accredited schools, Private Education Assistance Committee (PEAC)-certified SHSs, at Strengthened SHS Pilot Schools, alinsunod sa mga tinakdang safeguards.
Pagsapit ng SY 2027–2028, tanging private SHSs na may Government Recognition lamang ang maaaring tumanggap ng Grade 11 learners sa ilalim ng SHS Voucher Program.
Mayroon ding malinaw na monitoring at sanctions sa ilalim ng patakaran. Kasabay nito, may learner protection measures tulad ng continuity of education, voucher portability, at maayos na transfer process kung sakaling may denial, suspension, o revocation ng recognition.
Nakabatay ang reporma sa Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013, at sumusuporta sa Quality Basic Education Development Plan 2025–2035 at sa commitment ng DepEd sa public–private complementarity para sa equitable at quality education.
Ipapatupad ang polisiya ng DepEd Private Education Office, katuwang ang Regional Offices at Schools Division Offices.



