DepED isinagawa ang Acceleration and Equivalency Test para sa 15,000 mga Alternative Learning System Graduates
Legazpi City- Maayos na nagtapos ang pamamahala ng DepED Region V sa isang araw na Acceleration and Equivalency (A and E) Test para sa mga nakapagtapos sa programang Alternative Learning System (ALS) ng ahensya.
Noong ika-19 ng Nobyembre, magkakasabay na isinagawa sa buong Bicol ang A and E Test kung saan umabot sa humigit kumulang 15,000 ang bilang ng mga examinees sa naturang pagsusulit. Pinakamalaki ito sa kasaysayan ng ALS Exam sa DepED Region V.
Layunin ng eksaminasyon na masukat ang kahandaan ng mga magaaral sa Alternative Learning System o mas kilala sa non-formal education, mga Out-of-School Youth, na muling makabalik sa formal education program ng Kagawaran alinsunod na din DepED Memorandum Number 164 s. 2017. Nakasaad sa pamantayan na kailangan na makakuha ng 75% na rating ang mga kumuha ng pagsusulit upang maipasa ang eksaminasyon at mabigyan sila ng certificate of competency mula sa DepED.
Kasunod naman nito, ikinatuwa ni Mr. Ricardo Tejeresas, Program Coordinator ng ALS sa Bicol, ang kinahinatnan ng eksam kung saan nagresulta ito sa mataas na turn-out ng mga examinees. Inaasahan din nito na maganda ang magiging resulta ng pagsusulit dahil sa ginawang mga paghahanda ng mga magaaral s tulong naman ng mga ALS Mobile Teacher.
Samantala ibinahagi naman ni Tejeresas ang mga nakakasiglang kwento sa likod ng ginanap na pagsusulit.
Ayon sa kanya, maliban sa mga out of school youth, kabilang din sa mga kumuha ng A and E ay ang 500 na inmate sa Bicol na matagumpay na pumasailalim sa ALS Program sa suporta ng Bureau of Jail Management and Penology. Pagaasa ang dala ng ALS Progam para sa mga nagnanais na makapagtapos ng kanilang pagaaral sa kabila ng hindi magandang karanasan ng mga ito kanya-kanya nilang mga buhay.
Sa bayan naman ng Sorsogon, sa edad na 65 anyos, aktibo pa din na nakilahok sa eksaminasyon si Lola Maria ng Danao Bacon Sorsogon. Si lola Maria ay huminto sa kanyang pagaaral sa elementarya at umabot lamang ng hanggang Grade 2. Sa tulong ng ALS ay nabigyan siya ng pagaasa na maabot niyang muli ang kanyang pangarap na maipagpatuloy ang kanyang pagaaral at makapagtapos tulad ng kanyang mga anak,
Inaasahan ng DepED na maipapalabas ang resulta ng eksaminasyon sa loob ng 3 buwan.