Panulat ni: Fe “Epang” Domulot Balbin, tribal chieftain/Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) Facilitator (Zambales, Region III)

Nakahimlay kami sa paanan ng bundok ng Villar sa Botolan, Zambales kung saan dumadaloy ang malaking ilog. Kami ang Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Ayta, ang grupo ng mga katutubong lumisan sa aming kinalakhang tahanan nang pumutok ang bulkang Pinatubo. Ilang beses kaming naglakbay upang maghanap ng lugar na magpapakain sa aming mga katu-ahan at mga kabataan. Mahirap, sapagkat ilang beses kaming tinanggap, ngunit ilang beses din kaming pinagsawaan. Nakipaglaban na mabigyan ng paaralan upang masubukan naming maging edukado, ngunit kinapos kami ng mga guro na nais magsilbi sa isang liblib, tuyot, gutom, at walang kakulay-kulay na mundo.

Mainit ang sikat na araw, tuyo ang mga puno at nanlilimahid ang mga katutubo noong araw na dumating ang isang guro mula sa kapatagan – nakasalamin, maputi, mataba, mukhang mayaman, at bitbit ang nag-iisang bag. Bakas ang pagod sa kanyang mukha. Marahil, isa na namang kaluluwang hindi rin magtatagal na makasama ang mga kulot na katulad namin.

“Ako po pala si Yves Clark Fabrigas. Isa rin po akong nurse. Ako po ’yong bagong guro na ipinadala ng DepEd,” ang magiliw niyang bungad. Ngumiti ako at pinag-aralan ang lahat ng himulmol ng kanyang kaluluwa. Huminga ako nang malalim. Naisip ko, sana mahalin niya kami. Ang mga anak namin. Ang aming kulay. Ang aming amoy. Pagkatao.

Sa pagdaloy ng maiksing panahon, pinatunayan ng aming mahal na guro na tinawag naming “Tabeg” (mataba) na isa siyang tunay na taong nakisama sa amin. Hinasa niya ang galing ng mga bata sa pag-awit na madalas magpanalo sa kanila sa mga patimpalak. Naging mas mahusay ang mga bata sa pagsasayaw. Namukod-tangi sila sa pag-arte kung saan umabot sila sa pangrehiyong paligsahan. Naging kampeon pa sa campus journalism – copyreading, cartooning, photojournalism, editorial writing, at lumaban sa pangrehiyong kompetisyon. Nagwagi ang mga bata sa halos lahat ng kanilang sinalihang timpalak katulad ng landscaping, cooking, makeup and hairstyling, pagbabalita, poster, slogan, at collage making, iba’t ibang uri ng isports, deklamasyon, at iba pa. Nakipagtagisan din sa paggawa at pag-arte sa pelikula ang mga mag-aaral sa nasyonal na kompetisyon sa tulong at sakripisyo ni Sir Tabeg. Tinutukan at hinubog niya ang talento ng mga bata. Sinanay. Pinanday. Nakipag-ugnayan sa iba’t ibang tao upang makakuha ng tulong.

  • Pamilya ang turing ng gurong si Yves Clark Fabregas (Sir Tabeg o "mataba" para sa kanyang mga mag-aaral) sa mga katutubong Ayta ng Lakas High School sa Botolan, Zambales.

Naging matunog ang aming maliit na paaralan, ang Lakas High School. Dumami ang nagka-interes. Dumami ang tumulong. Naging kampeon sa Brigada Eskwela nang ilang taon. Umani ng tagumpay sa Gulayan sa Paaralan. Umunlad ang mukha ng paaralan, ngunit mas umunlad ang pagtingin namin sa aming mga sarili.

Nagsilbi rin si Sir Tabeg bilang community nurse. Kahit sa gitna ng klase ay hinihingan namin siya ng tulong. Siya ang aming naging takbuhan. Nagtayo rin siya ng botika na mura ang gamot para sa mga katutubo. Nanahan na rin siya kasama ang mga nagugutom na batang Ayta na kanyang inampon. Niyayakap niya ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Tao o hayop. Isusubo na lamang niya, ipapakain pa sa iba.

Napansin ng pamahalaan ang lahat ng nagawa ni Sir Tabeg kaya siya ay pinarangalan bilang Outstanding Professional of Zambales noong 2015 at Huwarang Guro ng DepEd Zambales noong 2017.

Sa ika-limang taon niyang paninirahan sa aming pamayanan, subok na namin ang kadakilaan ng aming itinuring na kapatid. Ang yumakap sa aming mga Ayta. Ang hindi nahiyang magsuot ng bahag sa harap ng maraming tao, at magsabi na siya ay Ayta.
Ang tumulong sa aming sumibol. Umigkas. Dumaluyong.

WAKAS